Bea gustong hanapin ang tunay na ama dahil nainggit kay Angelica pero hindi na itinuloy dahil…

NANG dahil kay Angelica Panganiban ay tinangka rin ng bagong Kapuso star na si Bea Alonzo na hanapin ang kanyang amang Briton.

Aminado ang award-winning actress na nainggit siya sa kaibigang si Angelica nang mahanap nito ang tunay na ama.

Kuwento ni Bea sa panayam ni Jessica Soho, taong 2009 nang matagpuan ni Angelica ang tunay niyang tatay na isang Amerikano at dahil dito ay muling pumasok sa isipan niya na makasama ang tatay niya.

“Hanapin ko rin kaya ‘yung tunay kong ama? Sabi ko parang nakakainggit naman ‘yung na-experience ni Angelica. Parang gusto ko rin ng ganun,” pahayag ni Bea.

Kuwento pa ng Kapuso actress, pareho sila ni Angelica na walang kinagisnang ama kaya naman nakaka-relate sila sa sitwasyon ng isa’t isa. 

“Sa akin siya umiiyak kasi parang alam niya maiintindihan ko siya. Because pareho kami ng background ba,” chika pa ni Bea.

Ayon pa sa aktres, Pasko ng 2009 nang tangkain niyang gumawa ng paraan para makakuha ng ilang detalye na magagamit niya sa paghahanap sa kanyang tatay.

Siyempre, ang una niyang tinanong ay ang nanay niya, “Kaya lang ‘yung reaksiyon na ibinigay niya sa akin that was my deciding factor na ‘wag na lang. That my life is complete.”

Sabi pa niya, kahit daw lumaki siyang walang father figure ay never niyang naramdaman na may kulang sa kanyang buhay dahil ipinaramdam sa kanya ng ina ang lahat ng klaseng pagmamahal.

Super happy na rin daw siya ngayon para sa ina kasama ang step dad niya na laging nariyan para sa kanilang mag-ina.

At sa tanong kung gusto pa ba niyang hanapin ang tunay na ama, “Naku! ‘Wag na po natin hanapin ang tatay ko kawawa naman ‘yung nanay ko.”

Samantala, kasalukuyan nang ine-enjoy ni Bea ang pagbabakasyon sa Amerika at pagbalik nga niya sa Pilipinas ay sasabak na siya agad sa mga proyektong inilaan sa kanya ng GMA.

Sa kanyang Instagram stories, ipinost ni Bea ang litrato kung saan tanaw ang Los Angeles, California pati na ang lugar na kanyang kinaroroonan at pagkain sa Guerilla Tacos, isang restaurant sa Los Angeles.

Balita ring magkasama sila ngayon ng kanyang rumored boyfriend na si Dominic Roque. Until now ay hindi pa rin diretsahang inaamin nina Bea at Dominic ang tunay na estado ng kanilang relasyon.

Read more...