Sayang at bawal ang personal questions sa Zoom interview ng cast para sa pelikulang “Nerisa” dahil gustung-gusto pa namang tanungin ng invited press si Aljur Abrenica tungkol sa hiwalayan nila ng asawang si Kylie Padilla.
Nagkaroon ng gusot ang mag-asawa early this year base sa mga post ni Kylie pero pagkalipas ng ilang buwan ay nakita naming nag-post siya ulit na magkakasama sila ng buong pamilya na sa pagkakaintindi namin ay okay na sila. Pero ibinuking ng tatay ni Kylie na si Robin Padilla sa panayam nito kay Ogie Diaz na hiwalay na nga ang dalawa at na kay Aljur ang problema dahil may 3rd party.
Sabi nga ni Robin sa anak, “At least alam mong lalaki ang asawa mo at mahirap labanan ang tukso.”
Dahil dito ay maraming netizens ang nagalit kay Aljur. Kaliwa’t kanan siyang bina-bash kaya siguro siya na rin ang nakiusap sa Viva na ‘no personal questions’ dahil tiyak na magigisa siya ng press.
Anyway, tawang-tawa kami sa post ng netizen na si Zander Sotto Muallam dahil sinisisi niya si Aljur kung bakit nawala si Kylie sa fantaseryeng Encantadia noon sa GMA 7.
Ang dami kasing fans ni Kylie bilang si Amihan sa 2016-2017 version na ang gumanap na orihinal ay si Iza Calzado noong 2005.
Ayon kay Zander, “Alam mo, Aljur, ang dami mo ng kasalanan eh. Dahil sa iyo, namatay si Amihan ng wala sa oras.
“Naging livre, at lumabas si Ariana na sarkosi ni Amihan.
“Natapos ang Encantadia nang maaga, naiba rin ang kwento.
“Walang book 2 ang Encantadia, ‘yung Etheria sana iyon eh, kaso sumingit ka, ayon pinagsama. Minadali!
“Tapos ngayon hiwalay kayo ni Kylie dahil nambabae ka? Gago ka ba???”
Ito kasi ‘yung panahong nabuntis na ni Aljur si Kylie habang ginagawa nito ang Encantadia kaya ‘yun nga, napaaga ang pag-tsugi ni Amihan sa kuwento, totoo, nabago ang istorya.
Ano kaya ang mararamdaman ni Aljur kapag nabasa niya ito? Ang laki kasi ng isinakripisyo ni Kylie sa career niya simula nu’ng maging mag-asawa sila.
Samantala, sa Zoom interview sa pelikulang “Nerisa” ay mag-asawa sina Aljur at Cindy at marami silang love scenes at base sa dalaga ay natakot siya dahil first time niyang gawin ito pero thankful siya sa aktor dahil napaka-gentleman.
Inamin din ni Aljur na nahirapan din siyang gawin ang love scenes nila ni Cindy.
Aniya, “Parehas kami nahirapan sa love scene pero I made sure na she’s safe. Personally kasi nakikita ko, alam kong she’s doing her best para magawa ‘yong eksena.”
“Pero kasi bilang babae hindi naman ito ano. Sa akin kasi okey lang dahil lalaki (ako) pero sa babae kasi medyo mararamdaman mo ’yong (pigil). Pero what’s good about it ay nagawa namin ’yong eksena sa gusto naming kalabasan.”
Dagdag pa, “She’s professional sa trabaho and ’yon lang ’yong part na ’yon na medyo na-challenge ako kung paano ko mama-mindset o mai-impart sa kanya na ‘You’re safe with me’.”
Sa Hulyo 30 na mapapanood ang “Nerisa” nina Cindy at Aljur kasama sina AJ Raval, Sean de Guzman, Sheree, Elizabeth Oropesa sa Vivamax, iWant TFC, TFC IPTV at KTX.ph.