HINDI nakikipagkumpetisyon ang Kapuso hunk na si David Licauco sa mga kapwa niya aktor na nasa bakuran ng GMA 7.
Aware ang binata na mas dumarami pa ngayon ang mga leading man sa mundo ng telebisyon at pelikula kaya kailangan niyang mas pagbutihin pa ang kanyang trabaho.
Sa virtual mediacon ng GMA para sa muling pagpirma ng kontrata ni David sa GMA Artist Center, natanong siya kung ano ang pakiramdam ngayong dumarami na sila sa Kapuso Network sa pagdating ng mga bagong talent.
“Siyempre kailangan ko talagang mas gumaling, mas maging good looking, or mas magaling umarte, sa showbiz mas marami kang kailangan e,” paliwanag ng Kapuso leading man.
Ngunit nilinaw ng binata na hindi competition ang tingin niya rito kundi isang opportunity for improvements para mas lalo pa siyang mahasa sa larangan ng aktingan.
“Kailangan magaling kang umarte, kailangan magaling ka sa social skills. I am trying my best to work on those things pero hindi ko kasi nakikita ‘yung competition.
“Parang for example si Derrick (Monasterio) a few weeks ago, nagkita kami. Kinakausap ko lang siya kung ano ang puwedeng gawin sa showbiz para ma-improve niya ‘yung sarili niya. For me naman, I want everybody to win,” katwiran pa niya.
“I want everybody to be successful lalo na sa lahat ng kaibigan ganu’n,” diin pa ng hunk actor.
“Hindi ko iniisip ‘yung competition but at the same time, siyempre I want to get the good projects. I want to get if not best, mga magagandang projects talaga,” sey pa ng naging leading man ni Julie Anne San Jose sa katatapos lang na Kapuso series na “Heartful Cafe.”