PNP blanko sa kinaroroonan ng drug lord na si Peter Lim

Wala pang kumpirmasyon ang Philippine National Police na nakalabas na ng bansa ang high profile drug lord na si Peter Lim.

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar na patuloy pa ang beripikasyon ng mga awtoridad kung nakapuslit na palabas ng Pilipinas si Lim.

“Wala pa naman pong confirmation na siya ay nakatakas na at patuloy na nagsasagawa ng beripikasyon ang ating mga authorities. Alam ninyo po eh hindi naman perpekto ang ating sistema at hindi lang naman sa ganiyang pagkakataon na talagang may mga nakakalusot. Kasi iyong sinasabing pangalan na ‘Peter Lim’ ay talagang daan-daan or posibleng baka libo pa nga ang mga pangalan na ganiyan,” pahayag ni Eleazar.

Sa ngayon aniya, nakikipag-ugnayan na ang kanilang hanay sa ibat-ibang tanggapan.

“Pero the point is, ay mayroon tayong mga koordinasyon na ginagawa na. At hindi man ibig sabihin nakatakas siya, assuming na talagang nakatakas siya na iyon naman ay bini-verify pa, mayroon naman tayo pong mga remedies para po makipag-ugnayan sa kung saan siya pupunta at muli ay makuha natin siya at panagutin doon sa mga kasalanan or krimen na kaniyang ginawa,” pahayag ni Eleazar.

“Ang atin pong mga concerned units like the CIDG, the PNP Drug Enforcement Group, iyan po ay nangunguna para po makipag-coordinate sa ating mga concerned agencies ng ating gobyerno pati na rin po sa ating foreign counterparts ukol dito. At asahan ninyo po na hindi tayo titigil diyan sa pagtunton kung sakali man talaga na siya ay nakalabas na. Pero nililinaw po natin, wala pa po talagang klarong impormasyon or, that needs to be validated kung talagang siya ay nakalabas na ng bansa,” dagdag ni Eleazar.

Read more...