KUNG may isang matinding pagsubok na pinagdaanan si Ken Chan ngayong panahon ng pandemya, yan ay nang mahawa siya at ang buo niyang pamilya ng COVID-19.
Inalala ng Kapuso actor at ng “Ang Dalawang Ikaw” lead star ang mga araw na isa-isa silang tamaan ng killer virus ilang buwan na ang nakararaan.
Bagama’t naturukan na ang binata first dose ng COVID-19 vaccine, hindi pa rin nawawala sa isip niya ang pinagdaanan ng kanyang pamilya nang tamaan sila ng nakakahawa at nakamamatay na sakit.
Sa interview ng GMA, naibahagi ni Ken ang mga naranasan nilang sintomas nang tamaan ng virus, “Buong family namin, ‘yung 17 na ‘yun nagkaroon ng COVID.
“Yung lola ko, ‘yung baby namin dito, ‘yung two-years-old. Isang araw lang kami nilagnat ng sobra. ‘Yung katawan namin as in nanginginig kami, ‘yung lamig parang pumapasok sa mga buto namin nanghihina kami.
“’Yung mga muscle namin puro muscle pain, ‘yung buto namin hinang-hina, hindi kami makatayo, hindi kami makalakad, wala kaming gana kumain.
“Wala kaming panlasa, wala kaming pang-amoy, ‘yung mata namin sobrang red na tapos nagluluha lang siya ‘tapos hinang-hina ka. Tapos ‘yung temperature namin 37-38. Ako nag-39 ako, pakuwarenta na rin ako,” tuluy-tuloy na pahayag ng leading man ni Rita Daniela sa “Ang Dalawang Ikaw.”
Naniniwala ang binata na hindi lang basta gamot o pagku-quarantine ang nagpagaling sa kanila mula sa coronavirus disease — napakalaking tulong daw ng suporta ng kanilang mga kaanak at kaibigan, pati na ang taimtim na pagdarasal.
“Sa tingin ko, bukod sa mga gamot na ininom namin ng buong pamilya namin. Bukod sa pagkuwa-quarantine, ang nagpagaling sa amin is ‘yung mga tao na nasa paligid namin na pinalakas loob namin na, ‘Kaya n’yo yan. Tutulungan namin kayo, hindi kayo nag-iisa.’
“Kailangan ng dobleng pag-iingat, kailangan mo mag-face mask at mag-faceshield,” ang muling paalala pa ni Ken.
Samantala, patuloy na humahataw ngayon sa Afternoon Prime ng GMA ang adbokaserye nina Ken at Rita na “Ang Dalawang Ikaw” kung saan gumaganap nga silang mag-asawa.
Patuloy na tutukan ang makulay ngunit masalimuot na buhay ni Nelson (Ken) na may health condition na Dissociative Identity Disorder (DID) at ng misis niyang si Mia (Rita).
Hanggang kailan kayang ipaglaban ni Mia si Nelson mula sa alternate personality nitong si Tyler at sa lover nitong si Beatrice (Anna Vicente)? Tatanggapin na lamang ba niya na forever na siyang magiging alipin ng sakit ni Nelson?