Aiko napaiyak sa pangako ni Ogie Diaz para kina Andre at Marthena

PINAIYAK ng talent manager-comedian na si Ogie Diaz ang award-winning Kapuso actress na si Aiko Melendez.

Hindi napigilan ng aktres ang mapaluha nang magbitiw ng isang pangako ang kanyang kaibigan na may konek sa kanyang mga anak. 

Sa isang vlog ni Ogie sa YouTube muli silang nagkachikahan ni Aiko kung saan napag-usapan nila ang mga tatay ng dalawa niyang anak na sina Andre Yllana at Marthena Jickain.

Natanong ng talent manager-vlogger ang magaling na aktres kung may nararamdaman ba siyang pagsisisi sa naging relasyon niya kay Jomari Yllana na tila hindi masyadong nag-e-effort bilang ama ni Andre.

Sagot ni Aiko, “Hindi. Kasi siyempre kahit paano nabigyan niya ako ng isang anak na tapos na ngayon ng college. Thank You, Lord. One down na ako, ‘di ba?”

Sa tanong kung siya lang ba ang nagpakahirap sa pagpapalaki at pagpapaaral sa kanyang mga anak, tugon ng aktres, “Kasama ka (Ogie) naman minsan. Kasi minsan nagpapapalit ako ng tseke sa ’yo, di ba?”

Hindi man binanggit ni Aiko ang pangalan, mukhang si Jomari nga ang pinatutungkulan niya sa kanyang naging sagot. 

“Kasi ikaw din ang nagsasabi kay Andre nu’n. Lagi mo ni-reremind na kahit may sama ng loob sa’yo ‘yung taong pinag-uusapan natin, never kang nagsabi ng masama about him,” dagdag pa ni Aiko. 

In fairness naman kay Aiko, talagang ginawa niya ang lahat bilang single parent para mabigyan ng magandang buhay ang dalawang anak at napagtapos na rin niya si Andre sa college.

Kaya ang tanong sa kanya ni Ogie, “Kinaya mo ‘yun?” 

“I know right? Because nandiyan ka, ‘di ba? Natutuwa ako dahil ‘yung anak ko isa ka sa unang sinabihan na graduate siya.

“Kaya ‘yan ‘yung isa sa pinapasalamat ko sa ’yo mother kasi, ang turing mo sa mga anak ko, parang mga anak mo na rin,” sabi pa ni Aiko.

Dagdag pa niyang pahayag patungkol kay Ogie, “You’re just always there to guide Andre.

“Guidance lang ang sinasabi mo sa kanya. ‘Anak ‘wag kang magpariwara, tapusin mo ang pag-aaral mo tapos gawin mo kung ano ang gusto mo na hindi ka nakakasakit ng tao, nakakatapak ng tao.’ ‘Yan ang lagi mong pang-aral sa kanya na lagi kong bitbit sa akin.” 

Nagbigay din siya ng message sa mga tatay ng kanyang dalawang anak. 

“Uunahin ko na si Martin Jickain. In fairness to Martin, wala akong masasabi sa kanya. Napakabuting ama at talagang mahal na mahal niya si Marthena. Salute ako kay Martin Jickain diyan,” sabi ni Aiko. 

“Kay Jomari naman, there’s nothing na I can wish ng masama sa ’yo kasi kahit anong mangyari, at the end of the day, tatay ka ng anak ko. Kung wala ikaw, hindi ako nabigyan ng Andre na napagtapos ko, ginapang ko, ‘yung pagpapatapos ng pag-aaral niya,” sabi ng aktres.

Sa bandang huli ng vlog, napaiyak nga si Aiko nang sabihin ni Ogie na kung sakaling mawala siya sa mundo (na huwag naman daw sana) handa siyang akuin ang responsibilidad niya kina Andre at Marthena.

Sabi naman ng aktres habang umiiyak, ganu’n din ang gagawin niya sa pamilya ni Ogie kapag dumating ang araw na nagkagipitan na sa buhay.

Read more...