KUMALAT sa social media ang balitang naghihirap na raw ang veteran comedian na si Jimmy Santos makalipas ang mahigit isang taong walang trabaho sa showbiz.
Ilang vloggers sa YouTube ang naglabas ng chika na nagtitinda na lang umano ang “Eat Bulaga” Dabarkads ng karne sa isang palengke sa Angeles City, Pampanga.
Ayon pa sa naglabasang balita sa socmed, dahil dito kaya binigyan daw ng TV host-comedian na si Willie Revillame ng sariling sasakyan at fruit stand si Jimmy.
Binanggit din sa ilang mga vlogs ang pangalan ni Bossing Vic Sotto na niregaluhan naman daw ng bahay at sariling sasakyan ang dating kasamahan sa “Eat Bulaga” para makatulong sa kabuhayan nito.
Pati nga sina Senate President Tito Sotto at President Rodrigo Duterte ay nabalita ring tumulong matapos daw malaman nang mga ito ang kalagayan ng beteranong komedyante.
Ngunit ayon sa isang source, wala raw katotohanan na naghihirap na si Jimmy Santos at fake news din ang pagbibigay ng bahay at sasakyan nina Bossing at Willie sa kapwa komedyante.
Sa isang panayam, dinenay ni Willie na may ipinaabot siyang tulong kay Jimmy, at tahasan din niyang sinabi na fake news ito dahil hindi pa naman daw niya nakakausap ang comedian.
Napanood namin ang vlog ni Jimmy Santos sa YouTube at dito nga niya ipinakita ang pagdalaw niya sa isang wet market kung saan sinubukan niyang maging meat vendor.
Mapapanood din sa nasabing vlog ang pag-iikot niya sa palengke kung saan in-interview niya ang ilang vendor tungkol sa kanilang buhay sa gitna ng pandemya.
In fairness, may mga helper pa siyang nakilala roon na tinulungan niya at binigyan ng kaunting pera dahil nakita niyang hirap na hirap ang mga ito sa kanilang trabaho kapalit ng maliit lamang na kita.
Sa panayam ng GMA kay Jimmy kamakailan, sinabi niyang nag-eenjoy siya sa pagiging vlogger dahil marami siyang natututunan at naibabahaging mga bagong kaalaman sa publiko.
“Sine-share ko lang ‘yung kaunting kaalaman ko at naikukuwento rin sa akin ‘yung tungkol dito sa Pampanga, ‘yung history.
“Ang pagba-vlog, hindi naman basta ganu’n lang eh. Kailangan meron ding sense na kailangan na kapulutan ng aral. Alam mo naman ang kaalaman, walang katapusan,” pahayag ng veteran comedian.
In fairness, may mahigit 200k subacribers na ang “Jimmy Saints” channel sa YouTube na nagsimula lamang nitong January, 2021.
Mukhang wala pang kasiguruhan ang pagbabalik ni Jimmy sa “Eat Bulaga” ngayong panahon ng pandemya dahil sa kanyang edad. Sa ngayon ay 69 years old na siya at kabilang sa vulnerable sectors ngayong pandemic.