MARAMI ang nagre-request na Kapuso viewers na sana’y magkaroon ng season 2 ang hit primetime series na “First Yaya” na pinagbibidahan nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion.
At hindi lang ang mga manonood ang umaasa sa magiging book 2 ng laging tume-trending at buma-viral na teleserye ng GMA, kundi pati na rin ang buong cast nito.
Ayon kina Sanya at Gabby, talagang magiging dream come true para sa kanila at sa buong production kung magtutuluy-tuloy ang kuwento ng “First Yaya” dahil ibang klaseng samahan din ang nabuo sa ilang buwang pagsasama nila sa lock-in taping.
Kaya naman sa nalalapit na pagtatapos ng serye, magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman ng cast members, lalo na sa “First Yaya” ladies na tinawag nilang “The Dears.”
In fairness, nakabuo sila ng solid friendship dahil sa nasabing programa lalo na sina Sanya at Kakai Bautista. Talagang ipinagtatanggol nila ang isa’t isa sa mga bashers.
Kamakailan nga lang ay sinupalpal ni Kakai ang isang netizen na nang-okray kay Sanya. Sabi nga ng Kapuso actress, ibang klaseng maging kaibigan si Kakai.
“Ako po kasi, kahit anong sabihin man ng ibang tao, kahit maganda man ang ginawa mo or hindi, may sasabihin at sasabihin sila.
“So, ako, better na lang na hindi magsalita. Sometimes, ang ginagawa ko, baka makatulong din sa akin ang pamba-bash nila. Baka mas maging aware ako, baka totoo o baka naman hindi.
“Pero sa group namin, meron talagang isang magsasalita. Siguro, meron kaming pinaka-ate o ‘tyang kami na talagang puprotektahan ang isa. Hindi pwede pumayag na maapi lang.
“Siguro, kung inaapi na ang isa sa amin, kailangan na talagang magsalita. I’m happy na si Ate Kakai yung talagang nagtatanggol sa akin.
“Sabi ko nga, ‘Ate Kai, huwag mo na lang pansinin.’ ‘Hindi, e. Akala nila kakayan-kayanin lang nila tayo.’ May point din naman si Ate Kai,” dire-diretsong chika ni Sanya sa ginanap na digital farewell mediacon para sa “First Yaya.”
Para naman kay Kakai, okay lang daw na siya ang laitin at okrayin ng bashers pero kapag mga taong malalapit na sa kanya ang involved, mas naaapektuhan daw siya kaya napipilitan siyang pumatol.
Samantala, nang tanungin tungkol sa isyung kinasangkutan nila ng Thai actor na si Mario Maurer, ayaw na niyang magsalita tungkol dito. Hahayaan na lang daw niya ang kanyang management group at legal counsel ang magbigay ng pahayag hinggil dito.
“Mananatili akong walang masasabi dahil sa tingin ko, wala na akong gustong sabihin. Kasi, kuntento na ako sa buhay ko ngayon, masaya ako, and yun lang.
“Gusto ko lang maging masaya and I just want to celebrate life every day. And katulad nga ng sinabi ni Cai (Cortez, co-star din nila sa First Yaya) yung mga hindi nakakaganda at hindi nakakayaman sa atin at hindi nakakatulong sa ating mental health, babu!
“Delete ‘yan sa buhay natin ngayon. And I’m so grateful na may First Yaya ako na show. I have a family here and I don’t have enough space for negativities,” aniya pa.
Huling apat na gabi na ng “First Yaya” sa GMA Telebabad kaya huwag na huwag na kayong bibitiw at alamin kung ano nga ba ang magiging ending ng kuwento ni Melody at ni President.