NABASA ng aming source sa NET 25 ang paliwanag ni Anjo Yllana tungkol sa pagkakatanggal sa kanya sa programang “Happy Times.”
Nagtataka raw ang komedyante kung bakit siya ang tsinugi sa show gayung nagsumbong lang naman daw siya na may nag-iinuman sa lock-in taping ng “Happy Times” na kinukunan sa Philippine Arena.
Sa online news daw nabasa ng aming source ang panig ni Anjo na nagsabing nakita nga niyang may inumang nangyari na mga hindi INC members.
Ang pahayag daw ni Anjo, “Nagsumbong ako sa management na paki-check naman kasi hindi ko gusto yung mga nangyayari, may inuman dito. Mga hindi INC (Iglesia Ni Cristo) members ito. Ang request ko lang naman ay tingnan lang.”
Hindi raw nahuling nag-iinuman pero may nakita raw talagang alak sa location.
Paliwanag ng aming source, “Wala talaga (inuman), may baon lang si Boobsie, ‘yung PA kasi ni Anjo kay Boobsie naka-room sinabi kay Anjo tapos nakikikain si Anjo kay Boobsie so nakita niya sa ref may alak pero di nila ininom.
“Pano nga mag-iinuman e, first night palang ‘yun ng taping? Tapos sabi nya NON INC? Di nya alam na INC si Boobsie?
“Sa pagbanggit ni Anjo ng pangalan ni Boobsie tiyak na pag-e-explainin siya pero marami namang magpapatunay na walang inuman doon, kainan lang lahat, kita mo nga pati sila ng PA niya nakikain din,” sabi ng source.
Dagdag pa niya, “Kung may inuman talaga sana kinunan niya ng picture para may ebidensiya siya.”
Nasulat namin na binu-bully daw ni Anjo ang mga dancers dahil pinag-isipan niya ng hindi maganda kapag lagi silang nasa kuwarto ng direktor dahil pinag-uusapan ang mga gagawin.
Sabi ni Anjo, wala itong katotohanan dahil sa katunayan ay nagpa-pancit pa siya sa mga dancers ng programa.
“Isang beses lang siya nagpa-pancit at alam niya kung ano ang mga ginagawa niya sa dancers,” katwiran naman ng aming source.
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay tuloy-tuloy pa rin ang “Happy Times” at ang sabi ng aming source, ang gaan daw ngayon ng show dahil masaya at may respetuhan ang lahat ng taong involved sa production.
Bukas ang BANDERA sa panig ni Anjo Yllana.