NGAYON pa lang ay miss na miss na agad ng magkakapatid na Ballsy, Viel, Pinky at Kris Aquino ang yumao nilang kapatid na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Nitong nagdaang Sabado inihatid sa huling hantungan ang abo ni P-Noy. Inilagak ito sa Manila Memorial kung saan din nakalibing ang mga magulang niyang sina former President Cory Aquino at dating Sen. Ninoy Aquino.
Isang araw matapos ilibing ang kapatid, nag-post si Kris ng isang video sa kanyang Instagram page bilang tribute sa nag-iisa nilang kapatid.
Mapapanood dito ang ilang naging kaganapan sa burol ng dating pangulo at ilang personal photos ni Noynoy kasama si Kris at ang kanyang mga anak na sina Joshua at Bimby na talagang malapit sa kanilang tiyuhin.
Maririnig naman sa background ng video ang bagong version ng kanta ni Moira dela Torre, ang “Paubaya,” na binago ang ilang lyrics para lamang kay P-Noy.
“We love you and we are so blessed to have had the privilege to have had you as our brother. We’ll miss you forever,” ang nakasaad sa caption ng video ni Kris.
Samantala, binisita rin ni Pinky ang libingan ng kapatid kahapon dahil miss na miss na raw niya ito ngunit hindi nga ito natuloy at nagdesisyong bumalik na lang sa ibang araw.
Nakita kasi niya na marami pa rin ang nagpupunta sa puntod ni P-Noy para mag-alay ng dasal at magbigay ng huling pagrespeto sa kanyang yumaong kapatid.
“Sa lahat ng mga dumadalaw, maraming maraming salamat po. Sobrang biglaan ng nangyari and nahihirapan kami so sabi ko, ‘yung pagdalaw ninyo, ‘yung laglagay ng yellow ribbons and everything, talagang nakakagaan ng damdamin,” sabi ni Pinky.
Nauna rito, sinabi ni Kris na napatawad siya ng kapatid bago ito namaalam, “Na-shock tayong lahat with what happened. He, we all feel, is gone too soon.
“Lahat yata ng Filipino kasi na nagmahal sa kanya, konting-konti sa inyo ang may alam sa pinagdaanan niya, so ito yung ating way para ma-comfort ang mga sarili natin.
“Because ngayon hindi na nga siya makakaranas pa ng sakit, hindi na siya mahihirapan pa, and nandu’n na nga siya sa mas maligayang lugar,” sey pa ni Tetay.
Pumanaw ang dating Pangulo dahil sa renal disease secondary to diabetes, limang taon makalipas ang panunungkulan niya sa sambayanang Filipino.