Inihatid sa kanyang huling hantungan si Pangulong Benigno Simeon Aquino III na pinagkalooban ng full military honors sa Manila Memorial Park sa Parañaque City ngayong Sabado.
Inilagak ng bunsong kapatid na si Kris Aquino ang urn na nagtataglay ng abo ni Noynoy sa nitsong katabi ng kanilang mga magulang na itinuturing na democracy icons ng bansa, sina Ninoy at dating Pangulong Cory Aquino.
Bago ito ay isa-isang nagwisik ng banal na tubig ang mga nagdadalamhating kamag-anak sa urn ng yumaong pangulo. Isang snappy salute ang ipinagkaloob ni Bimby sa kanyang pinakamamahal na tiyo.
At bilang huling pagpupugay sa kanilang dating Commander in Chief, nagsagawa ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ng 21-gun salute sa memorial park at sa iba’t ibang military camps sa bansa.
Bago ang inurnment, isang Requiem Mass ang idinaos sa Ateneo de Manila University na pinamunuan ni Archbishop Socrates Villegas.
Sinabi ni Villegas na ang “best eulogy tribute” na maaaring ibigay kay Aquino ay ang pagbawi at pagpreserba ng dangal ng mga namumuno sa bansa.
Para sa kanya, ang mga watawat na di lubusang nakataas ay hindi para sa namayapang pangulo “kung hindi ay para sa namamatay na pamamahalang may dangal.”
“Kung nagulat tayo sa kanyang biglang pagpanaw, magmasid tayo sana sa buong bansa. Hindi ba dapat din tayong magulat sa nagaganap sa ating paligid?” ayon kay Villegas.
“Eulogies have been written and spoken and shared, but the best eulogy tribute we can pay to our dear President Noy is to bring back, recover, preserve, safeguard, and never again compromise our dignity as a people and the decency of our leaders as servants, not bosses,” wika pa ng arsobispo.
Umaasa si Villegas na ang kamatayan ni Aquino ay muling magsisindi ng “apoy sa atin upang itayo ang kanyang ehemplo ng dangal at integridad.”
Si Aquino, na ika-15 pangulo ng Republika ng Piliinas, ay pumanaw nitong Huwebes sanhi ng renal disease secondary to diabetes.
Siya ay 61 taong gulang.