Kris napatawad ni P-Noy bago mamatay; may binitiwang pangako sa kapatid

BAGO pumanaw si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay nagkabati at nagkaayos na sila ng bunsong kapatid na si Kris Aquino.

Hindi na idinetalye ng TV host-actress kung ano ang naging sanhi ng hindi nila pagkakaunawaan ni P-Noy, ang mahalaga raw ay nakapag-usap sila at nagkapatawaran bago ito mamaalam.

Nabanggit ito ni Kris nang humarap siya sa media sa Heritage Park sa Taguig City kung saan dinala ang labi ng dating pangulo para ma-cremate. Dito rin niya inihayag na ililibing na bukas ang kanyang kapatid.

Naging emosyonal pa si Kris habang ikinukuwento ang tungkol sa kanila ni P-Noy, “God blessed me, because we made our peace. That is private. I would like to keep that for myself. But I am so grateful na binigay iyon sa akin.

“Nagpapasalamat ako na napatawad ako at minahal ako, and to the end, ang itinuring niya sa akin ay ako ang kanyang bunso,” aniya pa.

Pahayag pa ng award-winning TV host, “Ipinangako ko sa kanya na gagawin ko ang lahat to just be even 1% of what he is as a man and as a Filipino.”

Bukas naman sa publiko ang “complicated relationship” ng magkapatid. Mismong si Kris pa nga ang nagsabi noon na hindi sila okay ni P-Noy at tumagal daw ang kanilang tampuhan at dedmahan ng halos dalawang taon.

Ngunit nito lang nagdaang Mayo, nabanggit ni Kris sa isang social media post na maayos na ang relasyon nilang magkuya.

“In time I hope I can tell you more because you deserve to know why I have so much more to learn and do to be worthy not only of being the daughter of my parents but to earn the privilege of being ‘bunso’ of the most humble, trustworthy, capable, dignified, and morally upright man I am so blessed to have as my brother,” pahayag ni Kris.

Narito naman ang ilang bahagi ng official statement ng pamilya Aquino sa pagpanaw ni P-Noy: “Kagaya ng serbisyong ibinigay niya sa bayan hindi maingay na trabahong galing sa puso dahil alam niya kayo ang boss niya kaya nga nakilala siya bilang si PNoy dahil ayaw niyang maramdaman na bigyan siya ng kakaibang pansin hangarin niyang hindi mapahiya sa inyo dahil sa paghikayat na mahirap man pero tama na sundin ang daang matuwid.

“Nagawa niya ang lahat ng ‘yun, masakit po para sa amin na tahimik niyang tinanggap ang mga batikos.  Natatak sa aming magkakapatid na nu’ng sinabihan namin siyang ‘magsalita at labanan ang mga maling haka-haka’ simple lang ang sagot niya sa amin, ‘kaya pa niyang matulog sa gabi.’

“Mission accomplished ka Noy, be happy now with Dad and Mom.  We love you and we’re so blessed to have had a privilege to have had you as our brother.  We will miss you forever Noy.”

Read more...