MATAPOS dumaan sa matinding pagsubok at mabigyan ng ikalawang pagkakataon para mabuhay, itinigil na ng komedyanteng si Ate Gay ang kanyang mga bisyo.
Umiiyak na binalikan ng stand-up comedian ang pakikipaglaban niya sa iba’t ibang sakit na dumapo sa kanya nitong mga nagdaang buwan.
Ayon kay Ate Gay o Gil Morales sa tunay na buhay, hinding-hindi talaga niya makakalimutan yung mga panahong pabalik-balik siya sa ospital dahil hinang-hina na siya.
Kumalat pa nga ang litrato ni Ate Gay kung saan may oxygen tube na nakapasok sa isang butas ng kanyang ilong, sugat-sugat ang labi at puro pantal ang katawan.
Rebelasyon ng komedyante, meron siyang “rare and serious skin condition”, ang toxic epidermal necrolysis o TEN na isang kundisyon na dahil sa, “adverse reaction to medication like anticonvulsants or antibiotics.”
Ilan sa sintomas nito ay matinding pagbabalat at pagsusugat, “Oo, nagbabalat yung balat mo. Hindi mo kakayanin pag hindi ka malakas. Ang hirap ng pinagdaanan ko sa sakit na ito.
“Lahat, halos…hindi makatulog dahil baka mamaya diyan mawawala yung balat mo. Biglaan ‘to, e, siguro nung pandemya,” pahayag ni Ate Gay sa vlog ng kanyang kaibigan at kapwa komedyante na si Boobay.
Dito, nilinaw din niya na hindi siya tinamaan ng COVID-19 pero halos six months siyang ginamot nang magkaroon ng TB o tuberculosis.
Nagpasalamat si Ate Gay sa kanyang pamilya at ilang mga kaibigan dahil hindi siya pinabayaan ng mga ito habang nakikipaglaban para sa kanyang ikalawang buhay.
“Kuya ko, biruin mo, pinagpapalit niya ako ng diapers. Umabot ako sa ganun, nagpapalit ng diapers. Tapos yung ate ko, nagbabantay.
“Ang pamilya talaga ang sandalan natin kung anuman ang nararamdaman nating hirap,” pahayag ng impersonator ni Superstar Nora Aunor.
Sa katunayan, ang akala raw ng kanyang ina ay hindi na siya mabubuhay, “Tatlong beses akong naospital. Pabalik-balik ako, na naawa ako. Sabi ko, ‘Ayoko nang bumalik sa ospital.’
“Nakita ako ng nanay ko. Nakita niya, handa na siyang mamatay ako. Kasi nakita niya hindi na ako mabubuhay dahil sa sakit na ‘yon. E, nagulat siya, buhay ako.
“Gusto kong mabuhay. Ang sarap mabuhay with a heart. Gusto ko pang sumaya yung nanay ko, kaya ninais kong mabuhay,” aniya pa.
Feeling ni Ate Gay, stress at puyat ang dahilan ng kanyang mga karamdaman. Noong wala pang pandemya ay talagang todo ang pagtatrabaho niya.
“Nakakalimutan na kasi natin kung paano magpahinga, kung paano uminom nang maayos, kumain nang maayos.
“Kaya mahirap yung nag-iisip-isip ka. Overthinking. Tapos yung dati mong ginagawa, yung work mo, nawala bigla dahil sa pandemya.
“Ang dami ko pang sakit na naranasan. Ang daming mga sakit na pumasok sa akin. Nandiyan yung nagka-TB ako. Naggamot ako ng six months last year hanggang April (2021).
“Kumbaga, ang stress ang nagpapadala ng sakit sa akin, kaya huwag kayong ma-stress. Happy-happy lang dapat,” aniya pa.
Ilang kaibigan daw niya sa showbiz ang tumulong sa kanya para kahit paano’y mabawasan ang babsayaran sa ospital, kabilang na riyan sina Ogie Alcasid, Paolo Ballesteros, Ogie Diaz, ang Beks Battalion, sina Teri Aunor at Allan K.
“Ito ay pinansiyal. Alam mo, ang tagal-tagal ko sa ospital, hindi ko naman kakayanin,” sey pa ni Ate Gay.
Sa tanong naman kung ano ang natutunan niya sa matitinding pagsubok na kanyang pinagdaanan, dito na napaiyak si Ate Gay, “Hanggang tayo’y nabubuhay, bawat araw mahalaga. Totoo nga pala na yung, ‘Time is gold.’
“Mahalin natin ang bawat isa. Gumawa tayo ng mabuti sa kapwa, kung nakakaluwag-luwag din tayo.
“Si Lord talaga ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Kung nais mong mabuhay, nanaisin mo talaga. Magpakalakas. Labanan ang hirap. Ang sakit kong ‘yon, hindi ko alam kung mabubuhay ako nu’n.
“Kasi nagbabalat lahat ang katawan ko. Basta masakit. Tapos yung lips ko, nagsusugat. Pag hindi mo kaya, hindi ka pwedeng kumain. Pero ako, kumakain pa rin ako dahil gusto kong mabuhay,” aniya pa.
Nabanggit din ni Ate Gay na itinigil na niya ang kanyang mga bisyo tulad ng pag-inom ng alak at pagyoyosi.
Bukod dito, naging panata niya ang matulog katabi ang isang Bible.