HINDING-HINDI makakalimutan ng Kapamilya young actor at singer ang ginawang panglalait sa kanya ng mga bashers noong nagsisimula pa lang siya sa entertainment industry.
Nakatikim din ng matinding pang-ookray at pambu-bully si Kyle noong sumali siya sa “The Voice Kids” anim na taon na ang nakararaan.
Taong 2015 nang mag-join sa nasabing reality singing search ng ABS-CBN ang binata. Pumasok siya sa top 6 sa second season ng show sa ilalim ni Coach Sarah Geronimo.
Grabe rin daw ang inabot niyang pamba-bash mula sa mga netizens noong lumalaban siya sa kumpetisyon.
Naikuwento ni Kyle ang bahaging ito ng kanyang career sa nakaraang virtual mediacon para sa kanyang bagong album at digital birthday fancon na magaganap na ngayong gabi, 7 p.m. sa kanyang Kumu account (@echarripapi).
Ayon kay Kyle, marami ang nagkokomento noon na kaya lang daw siya nakapasok bilang finalist ay dahil sa itsura niya at hindi sa talento niya sa pagkanta.
“Galing pa lang po ako sa ‘The Voice’ ako yung pinaka-binash dahil nga sinasabi nila na wala naman akong boses. Itsura lang meron ako,” sey ng young actor.
“Thank you to compliment kasi at least mayroon naman akong itsura. To other people, they say I’m good looking. It’s a blessing. Thank you so much for the compliment,” aniya pa.
Inamin din niya na talagang naiisip din niya noon na huwag nang ituloy ang kanyang pag-aartista lalo na noong mga panahong hindi pa niya sure kung ano talaga ang gusto niyang gawin sa buhay.
Pero pahayag ng binata, “I’m working on everything that I can. And every day I’m becoming better than I was yesterday.”
At makalipas nga ang anim na taon sa showbiz, tanggap na ni Kyle na hindi niya mapi-please ang lahat ng tao basta ang mahalaga raw ay masaya siya sa ginagawa niya at marami pa ring nagmamahal at sumusuporta sa kanya.
“Ngayon I’m super happy with what I’m doing. I don’t wanna say very confident, I am more confident and happy with how much I love myself more than I did before,” sey pa ng The Gold Squad member at ka-loveteam ni Francine Diaz.