“KAPAG nagmaldita raw itong si Nadine (Lustre), e, mapipilitan ang Viva na kuwentahin lahat ang dapat nilang makuhang porsiyento o komisyon sa mga nakaraang proyekto niya na kanyang tinanggap.”
Ito ang sabi ng talent manager-vlogger na si Ogie Diaz sa kanyang YouTube channel kasama si Mama Loi habang nasa background sina Jeg at Dyosa Pockoh.
Bilang manager ay nagbigay ng opinyon niya si Ogie sa pahayag ng Quezon City Regional Trial Court na dapat tapusin ni Nadine ang kontrata niya sa Viva Artist Agency at hindi siya puwedeng tumanggap ng offers na may kinalaman sa showbiz career nang walang gp signal ang kanyang management.
“Nabalewala ‘yung petisyon ni Nadine through her legal counsel na si Atty. Lorna Kapunan. Natatandaan ko noon na sinabi ni Atty. Kapunan na kapag ayaw na ng talent, puwede na siyang umalis,” sabi ni Ogie.
Dagdag pa, “Nasabi ko dati na kapag ayaw na ng talent puwede nang umalis pero hindi pala ganu’n kadali. Puwede naman palang umalis ang isang talent bakit pa nagkokontrata?”
Taong 2019 nang iwan ni Nadine ang Viva Artist Agency na ayon sa taong nakausap ni Ogie ay hindi raw hiningan ang aktres ng komisyon sa mga projects na tinanggap niya.
“Technically may habol ang Viva, pero knowing boss Vic (del Rosario) knowing Veronique, knowing the Del Rosarios hindi naman nila habol ‘yan kundi ‘yung i-honor mo ‘yung kontratang pinirmahan mo.
“Meron nga akong nakausap na pag nagmaldita raw itong si Nadine, e, mapipilitan ang Viva na kuwentahin lahat ‘yung dapat nilang makuhang porsiyento o komisyon sa mga nakaraang proyekto ni Nadine na kanyang tinanggap, ‘yun ang sinabi sa akin,” say ng manager nina Liza Soberano, Enrique Gil, Raffy Tulfo at iba pa.
Pero kung ipagmamatigasan daw ni Nadine na ayaw na niyang magpa-handle sa Viva ang puwedeng gawin ng aktres, “Kung ako ang Viva, i-buy out mo sa akin ang kontrata mo para i-release kita at kung ilang years ‘yan, yan ang babayaran mo sa akin.
“Kunwari may tatlong taon pa si Nadine, bibilhin niya ang kontrata niya ng 5 milion per year so 15 million lahat, ‘yan ay pag pumayag ang Viva,” paliwanag ni Ogie.
Sa pagkakaalam namin ay 2029 pa magtatapos ang kontrata ni Nadine sa Viva kaya may seven years pa siyang natitira.
Anu-ano nga ba ang dahilan ng mga artista kung bakit umaalis sila sa kanilang manager o hindi tinatapos ang kontrata.
Ayon kay Ogie, maraming pwedeng rason, “Well siguro hindi sila magkasundo, nasasakal na ‘yung talent sa manager o hindi gusto ng talent ‘yung palakad ng management sa kanya.”
Kaya ang payo ng kilalang talent manager sa mga gustong mag-artista, “Kung magpapakontrata kayo ‘wag kayong masyadong excited. Kumuha kayo ng abogado at ipabasa ninyo kung okay ba ‘yung pipirmahan ninyong kontrata.
“Kasi ang tendency kapag bago ‘yung artista tapos nilatagan ng kontrata pirma sila kaagad, akala nila ‘yun na ‘yung standard na naka-stipulate sa contract na puwede nilang pirmahan.
“Hindi nila alam na may mga kontrata na 1 year lang ang pinipirmahan mo pero automatic renewal ‘yun after a year to 5 years.
“So after 1 year kapag hindi ka solved sa palakad nila, may 5 years ka pa kasi automatic renewal ‘yan. Kaya dapat binabasa ng bawa’t talent o nang iha-hire nilang abogado ang lahat ng kontrata hindi porke’t nilatagan kayo ng kontrata ay para na kayong nakakita ng goldmine na feeling ninyo ito na ang simula ng pagyaman n’yo!”
At dahil dito ang payo ni Ogie kay Nadine, “Tapusin na lang niya ‘yung kontrata niya sa Viva, humingi na lang siya ng projects, mag-update siya.”
At sa upcoming concert ni Nadine sa susunod na buwan ay posible ring maghabol ang Viva ng komisyon sa talent fee nito.