NASULAT namin dito sa BANDERA kahapon ang tungkol sa pagbabalik ni Ms. Maricel Soriano sa pelikula kasama si Eugene Domingo, ang “Momzillas” na idinirek ni Wenn Deramas mula sa Star Cinema.
Dito nga nasabi ng ilang katoto na nagbalik na ang ang original Comedy Queen. Gusto naming klaruhin na parang hindi naman yata ibinigay kay Maricel ang titulong Comedy Queen dahil sa pagkakaalala namin ay Taray Queen at Diamond Star lang ang ikinabit sa kanyang pangalan.
At kung hindi rin kami nagkakamali ay si Ms. Ai Ai delas Alas ang tinawag na Comedy Queen dahil sa sunud-sunod na pelikula niyang nag-hit sa takilya tulad ng “Tanging Ina” series niya sa Metro Manila Film Festivals, bukod pa rito ang ibinigay sa kanyang Comedy Concert Queen.
Anyway, ang punto namin ay hindi puwedeng ipasa ni Marya ang titulong Comedy Queen sa ibang komedyana dahil hindi naman iyon ibinigay sa kanya ng mga tao.
Timing naman pagkatapos ng presscon ng “Momzillas” ay taping naman ng Toda Max kung saan regular ng mapapanood si Ms. A at hiningan namin siya ng reaksyon tungkol sa pagbabalik ni Maricel pagkalipas ng ilang taong pamamahinga.
Nalaman namin bossing Ervin na avid fan din pala ni Maricel si Ai Ai tulad ng kaibigan nilang si Uge, sa katunayan ay “Inay” ang tawag ng Comedy Queen kay Maricel.
“Natutuwa ako sa pagiging aktibo muli sa industriya ni Diamond Star, alam naman natin na matagal na siya at bata palang nasa showbusiness na si Inay. Inay ang tawag ko diyan, nanay ko ‘yan, eh so masaya ako at nagbabalik pelikula na siya.
“Of course alam naman natin na ang bestfriend kong si Uge, e, talagang natutuwa ako sa mga bagay na nangyayari sa kanya lalung-lalo na nu’ng nakapagbida na siya sa pelikula, basta lahat ng artistang umaasenso, masaya ako for them talaga,” pahayag ni Ai Ai.
Tinanong namin ang tungkol sa titulo niyang Comedy Queen kung may pagpapasahan din siya nito kung sakali. “Actually, hindi naman sa akin galing ‘yan, ang tao ang nagbigay ng titulong Comedy Queen, e, kung may iba ring tinawag na Comedy Queen, okay lang kasi masaya ako sa achievement ng ibang tao.
“Walang kaso sa akin ang mga ganyang title, kung may gusto pang pagbigyan ang tao ng Comedy Queen, okay lang, basta ako masaya ako kay Inay sa muli niyang pagbabalik, siyempre nanay ko siya,” paliwanag ni Ai Ai.
And for the record ay nagkasama na rin sina Marya at Ai Ai sa pelikulang “Separada” at supporting palang noon ang huli at talagang idolo raw niya ang nag-iisang Diamond Star.
Samantala, gusto ring makasama ulit ni Ai Ai si Marya sa pelikula, “Sana, gusto ko talaga, sana may makaisip ng magandang istorya.”
Biniro nga namin si Ms. A kung payag siyang maging producer ng pelikulang pagsasamahan nila ni Marya since nagpo-produce na rin siya ngayon ng pelikula, “Oo naman, gusto ko talaga.”
Samantala, excited si Ai Ai dahil sa Okt. 2 na ipalalabas ang “Kung Fu Divas” movie nila Marian Rivera at may meeting nga raw siya this week para sa promo nito.
Ang “Kung Fu Divas” ay debut film ni Onat Diaz at ayon kay Ai Ai, “Nag-ipon daw talaga si direk Onat para sa pelikulang ito, dream niya raw magdirek ng pelikula kaya heto, exicted.
Lima kaming producer dito, ang Reality Films, si Marian, ako, si direk Onat at Star Cinema.” Samantala, kinunan namin ng komento si Ai Ai tungkol sa pagkakahuli kay Janet Napoles.
“Naiiyak nga ako, totoo talaga, naiyak ako kasi ang laki-laki ng ibinabayad kong tax tapos lahat ng pinaghirapan ko, mayroon siya (Napoles), sana ibinigay ko na lang sa mga anak ko,” seryosong sabi ni Ms A.
At ngayong sumuko na ang taong nasa likod daw ng P10-billion pork barrel scam ay pabor ba si Ai Ai na isiwalat ni Napoles ang lahat ng pulitikong sangkot.
“Maski huwag na, pabor ako na ibalik na lang nila ang pera natin (taumbayan), ang problema ayaw niyang ibalik, ang dami niyang tse-tse bureche!” diretsong sabi ng komedyana.
Speaking of Toda Max ay wala pang kontrata si Ai Ai sa nasabing programa, pero ayon mismo sa program head ng sitcom na si Cynthia Jordan, “Hangga’t gusto ni Ai Ai sa Toda Max, dito siya.
Siya ang magde-decide kung hanggang kailan niya gusto.” Ang say ni Ms A, “O, kita mo na, ako ang magdedesisyon kung hanggang kailan ko gusto dito sa Toda Max. Na-miss ko ang sitcom sa totoo lang.”
( Photo crdeit to Google )