KINUMPIRMA na ni Aiko Melendez ang pagtakbo niya sa Kongreso sa darating na Halalan 2022 para muling pagsilbihan ang kanyang mga kababayan sa District 5 ng Quezon City.
Dating konsehala si Aiko sa District 2 na hinati na raw kaya nagkaroon na ng District 5 at dahil naikot na niya ang nasabing lugar noon sa loob ng siyam na taon ay gusto niya uling balikan ang constituents niya.
Wala pang ibang detalyeng sinabi si Aiko kung anong partido siya dahil ang kausap daw ay ang boyfriend niyang si Zambales Vice Governor Jay Khonghun bilang campaign manager/adviser niya.
“’Yung mga taong kumakausap sa akin mula sa Quezon City si Vice Gov ang kinakausap more than me. Mga politiko rin from Quezon City, mga LGU’s. Di ba, supposedly naman talaga last election I was supposed to run kaya lang I had to stay with Vice Gov and since naman ngayon he has to be with me when I run.
“So, napag-usapan namin na since maraming taong nagkukumbinse sa akin to run and kahit naman nu’ng wala pang pandemic I’m always behind the scene sa pagseserbisyo sa bayan.
“It was always being my first love kaya kino-consider ko talaga ang public servant,” pahayag ni Aiko sa ginanap na virtual mediacon ngayong hapon kasama si VG Jay na parehong nasa Zambales ngayon.
Natanong ang aktres na kapwa niya artista ang kasalukuyang nakaupo sa Distrito 5 at kapatid nito ang planong ipalit dahil tapos na ang termino nito bilang kongresista.
“Sina Alfred and PM (Vargas)? Sa bawa’t kumakandidato naman ay may karapatang tumakbo at magserbisyo. May kanya-kanya silang paraan. I don’t see them as kalaban. Mai-inspire ako na galingan ko ang pagseserbisyo ko sa tao.
“Hindi naman ako tatakbo para kalabanin sila, tatakbo dahil gusto kong magserbisyo kaya kahit na sino ang kalaban ko handa akong harapin,” katwiran ng aktres.
Samantala, nakahinga nang maluwag si Aiko nang malaman niyang hindi sa District 5 kakandidato ang aktor na si Arjo Atayde na anak nina Art Atayde at Sylvia Sanchez.
“Naku, nu’ng nagkausap kami ni Ate Sylvia at sinabi nga niya na hindi kami magkalaban ni Arjo, sobrang nagpasalamat ako. Naku, hindi ko kakayanin ‘yun mahal ko sina kuya Art at ate Sylvia,” say ng aktres.
Anyway, nabanggit din ni Aiko na matagal na siyang nasa District 5, “Lumipat na ako since last year pa at nagpapagawa kami ng bahay doon now.”
Baka kasi may mang-intriga sa aktres na hindi siya tagaroon dahil ang huling alam ng lahat ay sa District 2 siya nakatira.
Ang bahay na sinasabi ni Aiko ay dream house nilang pamilya kasama ang ina at mga anak na sina Andre Yllana at Marthena Jickain.
“Sa amin lang yun wala pa ‘yung bahay namin ni VG kung kami pa rin. Iba ‘yung ibibigay niya (sabay tawa),” say ng aktres.
Sa kasalukuyan ay wala pa silang plano tungkol sa kasal dahil mas priority nila ang pagtakbo ni Aiko sa 2022 at si VG naman ay hindi pa rin sigurado kung anong posisyon ang tatakbuhin.
Sa tanong namin kung napag-usapan na rin ba nila ang magkaroon ng anak kapag kasal na sila, “Siyempre baby is always a blessing kung ibibigay ni God ‘yan siyempre masaya. Na kay God kung ibe-bless niya kami. We will be so happy and complete. Pero kung (wala), our family naman is full of love hindi rin naman magiging problema kung meron,” paliwanag ni VG Jay.
Sundot na tanong namin kung gagamit ba sila ng in vitro, depende raw sa sitwasyon at kung ano ang plano ni God ayon ulit kay VG Jay.
Pero hindi naman itinanggi ni Aiko na nagtanong na siya sa kaibigang si Vina Morales tungkol sa pagpa-freeze nito ng egg.
“Nagkakaroon pa naman ako, bata pa ako, Ate Regs. Actually inaalam ko ang proseso at may artista akong tinanungan tungkol diyan baka I might have considered it,” pagtatapat ng aktres.