UNA munang iniisip ng Kapuso actress na si Kim Domingo ang mga batang fans at followers niya kapag may ipo-post siyang litrato at video sa social media.
Naniniwala ang dalaga na bilang isang celebrity at content creator sa socmed, ay kailangang maging sensitibo at responsable siya tuwing magpo-post siya online.
Mas lalo pang ginaganahan ngayon si Kim na gumawa ng mas marami pang nakakaaliw, makabuluhan at inspiring video matapos ma-achieve ang bago niyang milestone sa Facebook. Umabot na kasi sa 10 million ang followers niya rito.
“Masaya ako na meron akong supporters na bata at binibigyan ko ng halaga ‘yun at ipinagpapasalamat ko.
“Hindi kagaya dati kahit anong gusto ko ipo-post ko on social media. Kaya ngayon mas maingat ako sa mga pino-post ko,” pahayag ni Kim sa panayam ng GMA.
Aniya pa, “Actually hindi, dati maka-100k followers nga lang ako sobrang saya ko na, tapos eto 10 million. Grabe lang!”
“Nag-start ako sa Twerk it Like Miley Dubsmash then in-upload ko siya sa Facebook then nag-viral sya at dun na nagsimula ang lahat. Madaming pintuan ang nagbukas para sa akin dahil sa video na ‘yun,” pagbabalik-tanaw pa ng “Bubble Gang” star.
Nagbigay din ng ilang advice si Kim para sa lahat ng mga nagnanais karirin ang pagpapabongga sa kanilang Facebook account.
“Just be yourself. Mas gusto makita ng mga tao yung totoong ikaw,mas doon ka minamahal ng tao, and syempre makipag interact ka din sa mga nagmamahal at sumusuporta sayo paramdam mo na na-appreciate mo sila,” payo pa ni Kim Domingo.
* * *
Bibida na worldwide simula sa June 25 ang inaabangang “Options” album ni Inigo Pascual, tampok ang 12 orihinal na kanta na layuning maipakilala ang tunog ng Original Pilipino Music (OPM) sa buong mundo.
Ini-record ni Inigo ang kanyang ika-2 full-length album at kauna-unahang international album kasama ang iba’t ibang producers at songwriters mula sa Manila at California sa loob ng dalawang taon.
Pangunahing konsepto ng “Options” album ang ‘self-discovery’ at paglalakbay ng isang tao sa mundong puno ng posibilidad. Maririnig dito ang pag-explore ni Inigo sa kanyang musika sa pamamagitan ng dance pop, island pop, dancehall, R&B, reggae, at acoustic tracks na ipinrodyus ng ABS-CBN Music label na Tarsier Records.
Carrier single naman ng album ang “Neverland” na ipinrodyus ng global hit producer na si Bernard “HARV” Harvey. Tinatalakay sa pop-R&B track ang pananatili sa ‘unknown’ kesa gumawa ng hakbang para maintindihan ang isang ‘di pangkaraniwang relasyon.
Kasama sa “Options” album ang mga nauna nang ini-release na single, ang title track na “Options,” “Danger” kasama ang Common Kings at si DJ Flict, “Should Be Me,” at ang mga kolaborasyon niya kasama si Tarsier Records label head Moophs na “Lost,” “Catching Feelings,” “Always,” at ang stripped version ng “OMW.”
I-pre-save na ang album ni Inigo na “Options,” na mapapakinggan na sa Spotify, Apple Music, Deezer, at iba pang digital music apps simula sa Biyernes, at abangan ang premiere ng music video ng “Neverland” sa June 28 (Lunes) sa YouTube channel ng Tarsier Records.