Online discounts ng mga senior citizens at PWD, inutil

Ngayong panahon ng pandemya, talamak ang pagbalewala ng mga tiwaling negosyante sa mga discounts ng mga matatanda at may kapansanan lalong lalo na ang mga “online selling” o sa internet.

Halimbawa, kapag ikaw ay bumili sa mga “e-commerce sites” o nagdedeliver ng mga pagkain o “pabili” ng mga groceries o gamot  na kailangan ng mga seniors o pwd, marami sa kanila ang hindi maka-avail ng “20 percent” discount na itinatakda ng batas. Hindi naman makalabas ang mga seniors dahil bawal at kailangan pa ng quarantine pass. Bukod dito, ang mga seniors ay pinaggagalitan o inaabuso ng mga opisyal o tauhan ng baranggay kapag sila’y nahuli sa labas ng bahay.

Sa totoo lang , sa mga online sellers, komplikado at sinasadya yatang matagal ang proseso ng “accreditation” ng mga senior citizens. Sa personal kong karanasan, ilang beses na akong nag-apply sa GRAB at sa iba pang mga food delivery, pero, puro run-around ang inabot ko. Huli akong nag-apply noong isang taon, naisumite ko na ang mga digital requirements, pero hindi pa rin inaaprubahan ang aking request.

Sa dami ng mga senior citizens at PWDs, isipin niyo ang napalaking halaga na kinakamkam ng mga online companies na ito. Ang masakit pa , walang ahensya ng gobyerno ang maaasahan nating aaksyon sa ating mga reklamo. Katunayan, tinatakda pa lamang sa susunod na buwan ang “public consultation” ng DSWD, DTI at iba pang sektor upang mapag-usapan  ang  tinawag nilang “Joint administrative order” (JAO) na magiging “online discounts policy for seniors and PWDS”

Ang JAO ay binuo ng DSWD, DTI kasama ang  BIR, DOH , DILG at ang National commission of Senior Citizens at National Council on Disability affairs upang matukoy kung anu-anong benepisyo at pribilehiyo ng mga seniors at PWDs sa lahat ng binibili nila “online” , e -commerce at sa  phone call/SMS. Kailangan ding kilalanin kung aling business establishments ang “covered” ng  JAO at kung kailangan silang rehistrado o hindi  sa BIR o DTI.

Talagang napakatagal ng prosesong ito. Isipin niyo, labinlimang buwan na tayong nasa ilalim ng ibat ibang quarantines at napakaraming 20 percent online discounts ng mga matatanda at may kapansanan ang naibulsa na ng mga ‘online sellers” o e-commerce sites.

Baka naman abutin pa ng Pasko, bago lumabas ang ma guidelines ng JAO.

Doble-dobleng abuso na iyan!

4 BUWAN NA LANG, CERTIFICATES OF CANDIDACY NA

Dito sa Metro Manila, matindi na ang girian sa lokal na pulitika. Nagkalat ang mga nagsu-survey sa maraming lugar upang kapain ang sentimyento ng mga botante. May ibat ibang grupo din na nagbibigay ng kanilang mga resulta.

Tulad ng sinabi ko noon, ang halalan sa Mayo 2022, lalo na sa mga LGU sa Metro Manila ay  “emosyonal” na eleksyon at  derektang kaugnay ng karanasan ng mga mamamayan sa  nakaraang pandemya.  Sa panahon  ng mga ayuda, lockdown, libreng bakuna, at iba pa, susukatin ng mga botante ang “performance” ng kanilang mga alkalde.

At sa aking pagsusuri,  sampung alkalde sa NCR ang lumulutang na pinakamahusay sa pangunguna nina Manila mayor Isko Moreno, Quezon city mayor Joy Belmonte, Makati mayor Abby Binay, Valenzuela mayor Rex Gatchalian, Pasig mayor Vico Sotto, Mandaluyong mayor Menchie Abalos, Marikina mayor Marcy Teodoro , Taguig mayor Lino Cayetano, San Juan mayor Ronnie Zamora at Navotas mayor Toby Tiangco.

Kung hindi magbabago ang sitwasyon hanggang Mayo,2022, ang sampung ito ay mahirap talunin ng kanilang mga kalaban. O kaya’y kapag ilan sa kanila ay hindi na mag-reelection at tumakbo sa ibang posisyon.

Read more...