WALANG kaarte-arteng inamin ng Kapamilya TV host-comedienne na si Melai Cantiveros na hindi talaga niya pinangarap at na-imagine na magiging artista siya.
Ayon sa komedyana, ang kanyang ultimate dream noon ay makapag-abroad at kumita ng malaki para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
Mahigit isang dekada na si Melai sa mundo ng showbiz matapos siyang tanghaling big winner sa “Pinoy Big Brother: Double Up” at malayu-layo na rin ang narating niya bilang celebrity.
Bukod sa umaariba pa rin niyang career sa ABS-CBN, nabiyayaan na rin sila ng dalawang anak ng kanyang asawa at kapwa “PBB” alumni na si Jason Francisco, sina Amelia Lucille at Stela Rosalind.
In fairness, maganda rin ang resulta sa “takilya” ng bago niyang comedy film kasama ang mga co-host niya sa “Magandang Buhay” na sina Karla Estrada at Jolina Magdangal, ang “Momshies! Ang Soul Mo’y Akin.”
Sa panayam ng ABS-CBN kay Melai, sinabi niyang matinding challenge ang hinarap nila sa lock-in shooting, “Mahirap pero talagang warrior naman talaga tayong mga Pinoy so talagang nilalabanan natin at mas gumaan at sumaya kasi kasama natin ang mga kaibigan.”
Sa nasabing pelikula, pumayag si Melai na magkaroon sila ng “bedroom scene” ng asawang si Jason na ikinagulat ng ilan niyang tagasuporta.
“Ginawa ko lang yun kasi kasama ko asawa ko and joker naman talaga yun. Sobrang joke yung pagkagawa namin. Wala naman sigurong maano du’n sa ginawa namin kasi kadiri.
“Siguro maraming nasuka kesa na-seksihan sa amin. Ako talaga nag-suggest kay direk. Hindi ako nag-dalawang isip kasi si Jason naman kasama ko asawa ko naman and para mas nakakatawa naman so walang problema,” pag-amin ng TV host.
Ibinahagi rin niya sa nasabing panayam na nakaka-relate rin siya sa karakter niya sa movie, “Ang similarity ko kay Mylene sa buhay ko is yung pagiging busy din na minsan wala ng time din sa asawa at sa mga anak.
“Pero si Mylene kasi wala pa siyang mga anak doon. Minsan inuuna mo yung pangarap mo kasi di ba, gusto niya maging vlogger din talaga so parang ganu’n din ako na charge while the iron is hot. Minsan kailangan mo rin talaga i-balance kasi ang asawa mo nangangailangan din ng time so similar din siya,” paliwanag ni Melai.
Kasunod nito, nabanggit nga ni Melai na noong nasa General Santos City pa siya, iba ang plano niya sa buhay, “Yung unang-una kong plano nung hindi pa ako nag-artista kasi yung plano ko hindi naman talaga mag-artista.
“Bago ako mag-artista ang plano ko mag-abroad ako at mag-asawa ng Amerikano na matanda. Kasi di ba parang yun yung sinasabi sa mga probinsya na parang du’n na na-stuck yung utak ko na para maahon ang pamilya sa kahirapan.
“So parang gusto mo na makita ang abroad. Somehow yun din ang pangarap ko,” sey ng komedyana.
Sinabi rin ni Melai na sa kabila ng maraming kanegahang nangyayari dahil sa health crisis, marami ring positibong naidulot sa kanila ni Jason ang pandemya.