John Lloyd, GMA executive nag-meeting na: Exciting times ahead! Abangan!

MUKHANG tuloy na tuloy na nga at wala nang makapipigil pa sa pagiging Kapuso ng dating Kapamilya star na si John Lloyd Cruz.

Makalipas ang mahigit isang linggo mula nang mag-guest sa special event ng isang e-shopping platform na ipinalabas sa GMA, nagkita na at nagkausap muli nang personal ang aktor at si GMA Pictures president and programming consultant to the GMA chairman na si Annette Gozon-Valdes.

Nangyari ang meeting ng dalawa kagabi kung saan pinaniniwalaang napag-usapan ang mga gagawing proyekto ni Lloydie sa Kapuso Network sa mga susunod na buwan.

Kung matatandaan, una nang nagkausap sina John Lloyd at Annette bago pa muling nagpakita sa publiko ang aktor kasama si Willie Revillame.

At isa nga ang GMA executive sa mga naging daan sa pagbabalik telebisyon ng award-winning actor at Box-Office King. Pinasalamatan pa nga ni Lloydie si Annette sa TV special ni Willie.

“Bakit wala ka dito Ma’am? Hindi, d’yan ka lang. Kung pwede, kami ang pupunta sa ‘yo. Pahinga ka muna, pahinga ka at magkikita rin tayo,” mensahe ng ex ni Ellen Adarna.

At kagabi nga ay nangyari na ang kanilang pagkikita. Nag-post pa ang Kapuso executive sa Instagram ng litrato nila ni John Lloyd na may caption na, “At last nagkita na kami. Exciting times ahead! Abangan!”

Hindi naman nagbigay ng detalye si Annette tungkol sa meeting nila ng aktor ngunit ayon sa aming source, sunud-sunod ang magiging pasabog ng GMA para sa bagong Kapuso.

Na-excite ang Kapuso viewers nang ibandera ni Willie kamakailan na bibida sila ni Lloydie sa isang  primetime show ng GMA.

“Abangan niyo ho, abangan niyo magsasama kami ni Lloydie magbibigay saya sa inyo sa isang primetime show. Abangan niyo ho ‘yan dito sa GMA 7,” pahayag ng TV host.

Tinanong din ni Willie si Lloydie kung ano ba ang pakiramdam niya ngayong nagbabalik na siya sa mundong minahal niya sa loob ng maraming taon, “Welcome back, handa ka na ba? Anong nararamdaman mo ngayon?”

“Nagpapasalamat sa ‘yo, nandito ako, excited to be back. Si Kuya Willie, nandito ako dahil sa yo, thank you, thank you,” sagot ni John Lloyd.

Sey ni Willie, naiintindihan niya ang pakiramdam ni John Lloyd, “Pinagdaanan ko rin ‘yan, maraming ring taong tumulong sa akin pero ang importante Lloydie, nakausap kita, nagkausap tayong dalawa.

“Napakaganda ng puso mo. Napakaganda ng pagkatao mo. Mahal na mahal mo si Elias, Mahal na mahal mo ‘yung anak mo. Nami-miss ka namin lahat!” pahayag pa ni Willie.

“Ang galing mo, fan mo ko, fan mo kaming lahat. Dahil napakabuti mong tao at napakagaling mong artista. Sa totoo lang lahat ng GMA artists gusto kang makasama sa isang pelikula.

“Lloydie, ‘yung sumuporta sa ‘yo na sambayanang Pilipino, I think sila ang dapat mong pasalamatan kaya ka nandito.

“Naririnig ko, nararamdaman ko ang pagmamahal sa ‘yo ng tao, Welcome back sa industriya kung saan ka nagsimula, at alam ko dito tayo magtatapos din. Welcome back, John Lloyd Cruz!” pagwe-welcome pa ni Willie sa aktor.

Read more...