MATAPOS ang ilang online preliminary competitions, nakapili na ang Miss Queen of Hearts Philippines pageant ng 10 kandidatang uusad sa susunod na yugto ng patimpalak at magtatagisan para sa ilang titulo at korona.
Sa social media account nito, nilabas ng Miss Queen of Hearts Philippines ang mga pangalan ng sumusunod na 10 finalists: Glenmayne Yalung (Nueva Vizcaya), Julia Mendoza (Sasmuan, Pampanga), Sophia Mae Andanar (Atimonan, Quezon), Kathie Lee Berco (Pangasinan), Apriel Joanna Zapanta (Cebu City), Irene Guzman (Luna, La Union), Famela Rose Santos (Pampanga), Maerylle Blauta (Abuyog, Leyte), Rose Michelle Ilagan (Oslob, Cebu), at Ednalyn Gunio (Taguig City).
Pupunta sa Metro Manila ang mga kandidatang nakatira sa labas ng National Capital Region upang makipagtagisan sa coronation night sa Hulyo 5. Ngunit bago ito, sasabak pa sila sa ilang online challenges at interviews.
Pipiliin sa patimpalak ang mga magiging kinatawan ng Pilipinas sa 2022 Miss Global Universe, 2022 Miss Tourism Worldwide, 2022 Miss Lumiere International World, at sa 2021 at 2022 Miss World Peace pageant, lahat sa ilalim ng Lumiere International Pageantry sa Singapore.
Igagawad din sa pambansang patimpalak ang mga sumusunod na titulo: Miss Queen of Hearts Universe, Miss Queen of Hearts World, Miss Queen of Hearts International, Miss Queen of Hearts Earth, at Miss Queen of Hearts Global Tourism.
Dahil 10 korona ang pinaglalabanan, tiyak nang makapag-uuwi ng titulo ang bawat isa sa 10 finalists.