P100K iuuwi ng Mister Gay World PH

 

Sasabak pa rin si Leonard Kodie Macayan Mister Gay World pageant kahit pa isasalin na niya ang pambansang titulo niya sa bagong hari./ARMIN P. ADINA

 

Nakatakdang mag-uwi ng P100,000 ang hihiranging 2021 Mister Gay World Philippines sa pagdaraos ng 2021 Mister Fahrenheit contest, ito ang inihayag ng organayser na si Wilbert Tolentino sa social media.

Nanawagan si Tolentino, kinatawan ng Pilipinas sa 2009 Mister Gay World pageant at national director na ngayon ng patimpalak para sa Pilipinas, sa “proud gay or bisexual men” na may “gorgeous face” at “exceptional body physique” na 24 taong gulang hanggang 45 taong gulang, at hindi bababa sa 5’5” ang taas.

Ayon pa kay Tolentino, nakatakdang tumanggap ng P100,000 ang magwawagi, na siya ring kakatawan sa bansa sa 2021 Mister Gay World pageant.

Ngunit hindi pa nakakasabak ang pambato ng Pilipinas na si Leonard Kodie Macayan na kinoronahan noong Pebrero 2020. Nakatakda sana siyang sumali sa Mister Gay World pageant sa South Africa noong Mayo ng nagdaang taon. Dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19, hindi natuloy ang patimpalak.


Malaking dragon ang pasan ni Leonard Kodie Macayan national costume competition ng 2020 Mister Fahrenheit./ARMIN P. ADINA

Nilinaw ni Rodgil Flores, pageant director ng Mister Fahrenheit, na makikipagtagisan pa rin si Macayan sa pandaigdigang entablado.

“Kodie will still compete for the 2020 edition, which will be held from Sept. 4 to 11. The new winner will join the 2021 contest to be held from Sept. 18 to 25,” ani Flores.

Mga virtual competition ang idaraos, paglalahad pa niya.

Sa mga nagnanais sumali, ipadala ang entry form, kalakip ng close-up photo at full-body picture na nakasuot ng swim wear o board shorts, sa pamamagitan ng e-mail sa fahrenheitphilippines2021@gmail.com.

Sa Hunyo 20 na ang deadline.

Ang Pilipinong si Janjep Carlos ang reigning Mister Gay World. Siya ang pangalawang nagwagi mula sa Pilipinas, kasunod ni John Raspado na kinoronahan noong 2017.

Read more...