Hindi katanggap-tanggap. Mahirap ibenta sa tao dahil kontra sa political morality at labag sa rason at pangangatuwiran. Salungat sa political strategy at geographical balance. Sa madaling salita, hindi winnable. Ito ang ating pananaw sa umugong na balita at usap-usapan na tambalang Sara Duterte-Carpio at Pangulong Rodrigo Duterte bilang pangulo at vice-president sa 2022 national election.
Si Pangulong Duterte ay isang beteranong politiko. Isang “political animal” ika nga. Alam niya ang batas ng politika at ano ang katotohanan sa politika. Alam niya kung ano ang mangyayari pagkatapos ng kanyang termino sa June 30, 2022. Katulad ng mga naunang naging pangulo, kailangan niya ng isang kaalyadong pangulo sa 2022 hindi lamang para ipagpatuloy ang kanyang mga programa at sinimulang proyekto ngunit higit sa lahat upang tiyakin at siguruhin ang kanyang kaligtasan at ng kanyang pamilya sa mga maaaring habla at imbestigasyon. Ito ang katotohanan na hinaharap ng Pangulong Duterte.
Ang isang kaalyadong bagong pangulo sa 2022 ang magbibigay sa kanya ng proteksyon laban sa mga taong naghihintay matapos ang kanyang termino upang ihabla siya dahil sa pagkapatay ng kanilang anak, asawa, magulang at kamag-anak sa kanyang pinairal na “war on drugs.” Isang kaalyadong bagong pangulo na magbibigay proteksyon sa kanya laban sa maaaring imbestigasyon, harassment man o may basehan, tungkol sa graft and corruption ng kanyang pamahalaan. At lalo na sa alegasyon na unexplained wealth. Kaya titiyakin ni Pangulong Duterte na ang kanyang kandidato sa pagkapangulo sa 2022 ay “winnable” dahil dito nakasalalay ang lahat.
Nakikiisa tayo sa mga nagsasabi na ang Duterte-Duterte tandem sa 2022 national election ay hindi “winnable” dahil ito ay hindi katanggap-tanggap sa sambayanan.
Lahat ng ganitong klaseng tandem sa lahat ng national election ay hindi matatanggap ng taong bayan. Ang ganitong tandem ay magpapakita at magpapatunay lamang ng kasakiman sa kapangyarihan. Papaano ibebenta o ikakapampanya sa sambayan ang Duterte-Duterte tandem na hindi iisipin ng taong bayan ang isyu na kakambal nito-ang kasakiman sa kapangyarihan. Maski sa isang matibay at solid na grupo, supporters, samahan, o kapatiran ng ganitong klaseng tandem sa isang national election ay mahihirapan ilako ang tambalang ito. Sabi nga ng iba, nose bleed ang aabutin ng sinumang magpapaliwanag dito.
Ang isyung ito ay tiyak din gagamitin ng ibang kandidato laban sa Duterte-Duterte tandem. Wala tayong makita sa ngayon na maaaring magandang sagot para ma-kontra ang pintas dito dahil ito ay labag mismo sa rason at katuwiran. Pagpepyestahan sila ng kanilang mga katunggali sa isyung ito na walang kalaban-laban. Bukod dito, hindi rin ito politically at strategically na tama upang makakuha ng boto. Traditionally, at ito ay napatunayan na epektibo, ang kandidato sa pagkapangulo at vice-president ng isang partido ay dapat manggaling sa magkaibang lugar at kung maaari kabilang sa magkaibang pangkat etniko, gaya ng Ilokano, Bisaya, Kapampangan, Bikolano at iba pa. Ito ay hindi mangyayari sa Duterte-Duterte tandem na ang balwarte ay parehong Davao City o Davao Region.
Totoo na umobra ang Duterte-Duterte tandem sa Davao City pero ang pinaguusapan natin sa 2022 ay ang pagkapangulo at vice-president ng bansa. Hindi Davao City ang Filipinas. Wala pa sa kasaysayan ng ating bansa ang sumubok at nagtangkang gumawa ng ganito. Maski ang diktador na dating pangulong Marcos, sa kasagsagan at kainitan ng kanyang kapangyarihan, ay hindi naisip o tinangka man lang gawin ito.
Nagpahayag na ang Davao City mayor na walang Duterte-Duterte tandem sa 2022 national election. Ang ibig sabihin, maaaring hindi siya tumakbo o kung tatakbo man siya, walang Duterte-Duterte tandem sa isang partido sa 2022 national election. May sarili syang dahilan at ating ginagalang ito. Sa parte ng Pangulong Duterte, naniniwala tayo na hindi niya susuportahan ang sinusulong na Duterte-Duterte tandem sa 2022 election sa ilalim ng isang partido. Hindi ito winnable. Hindi siya mapoprotektahan ng Duterte-Dutrete tandem sa 2022 national elction.
Bagamat malabo at mahirap nang magkaroon ng Duterte-Duterte tandem sa 2022 national election, maaari naman magkaroon ng Duterte-Duterte sa Malacanang sa 2022. Ang senaryong ito ay mangyayari kung ang Davao City mayor ay tatakbo at mahahalal na Pangulo sa 2022 at ang Pangulong Duterte ay tatakbo, bilang pambato ng ibang partido, at mahahalal naman bilang vice-president. Kaya maaaring magkaroon ng Duterte-Duterte sa 2022 sa Malacanang.