Hindi birong masaktan dahil sa taong minahal natin, yung naniwala kang may forever…

MALALIM ang hugot ng bagong kanta ni Maymay Entrata na “Di Kawalan” na tumatalakay sa pagkabigo sa pag-ibig at kung paano ka babangon at lalaban uli.

Inialay ni Maymay ang nasabing kanta sa lahat ng mga taong marupok at feeling nila ay wala talaga silang swerte sa pag-ibig.

“Isa po siyang mensahe o reminder po roon sa mga taong nasaktan, doon sa mga taong na-broken heart at sa mga taong tinatawag nilang ‘marupok’ na hindi maka-move on.

“Alam mo ‘yon ‘yung kahit itinataboy na sila ay gusto pa rin nilang bumalik doon sa taong minahal nila, doon sa taong nanakit sa kanila,” pahayag ni Maymay sa panayam ng Inside News ng Star Magic para sa promo nga ng kanta niyang “Di Kawalan”.

“Kumbaga ang kanta na ito ay sinasabing pahalagahan mo ang sarili mo, mahalin mo ang sarili mo,” ani Maymay.

Nagbigay din ng message si Maymay para sa lahat ng nasaktan at nabigo na sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon, “Walang kahit anong comfort na mensahe ang maiibigay ko sa mga taong nasaktan kasi naranasan ko.

“At hindi biro na masaktan tayo roon sa taong minahal natin at, alam mo ‘yon, naniniwala ka na panghabangbuhay. Take your time na mag-heal ‘yung puso mo.

“Dahil narinig mo lang ‘yung kantang ‘Di Kawalan’ ay pinipilit mo nang mag-move on, take your time. Kasi the more na pinipilit mo ay the more ka na-stuck sa past. May proseso ‘yon, kaya huwag nating madaliin. Take your time at pray lang lagi kay God,” pahayag pa ng dalaga.

Kamakailan lang ay inamin ni Maymay na super happy ang lagay ng puso niya pero ayaw na muna niyang banggitin kung sino ang taong nagpapaligaya sa kanya ngayon.

Samantala, nagpasalamat din ang Kapamilya youngstar sa success ng bago niyang single na ilang milyon na ang nakapanood sa Facebook. Malapit na ring umabot sa 1 million ang views nito sa YouTube.

“Talagang hindi agad nag-sink in sa akin na patok. Kahit paano ay naintindihan niyo ang mensahe ng kanta. ‘Yun naman ang importante sa atin. 

“Bonus na sa akin ‘yung isinasayaw nila, ginagawan nila ng steps ang ‘Di Kawalan’, malaking-malaking bagay na po sa akin. Doon pa lang ay sobrang tuwang-tuwa na ako at sobrang naa-appreciate ko ang suporta niyo po,” pahayag pa ni Maymay.

Read more...