PINAPURIHAN ni Robin Padilla at ipinagtanggol sa bashers ang pride ng Pilipinas na si Yuka Saso na nanalo bilang kauna-unahang Filipina sa 76th US Women’s Open Champ.
Nakalaban niya sa nasabing sports event ang pambato ng Japan na si Nasa Hataoka na ginanap sa Olympic Club, San Francisco, California.
Kaliwa’t kanan ang papuri kay Yuka sa buong mundo dahil sa batang edad nito ay nakamit na niya ang minimithing tagumpay.
Kabilang ang aktor na si Robin na pumuri sa dalagita na ipinost pa sa kanyang Instagram account ang larawan ni Yuka habang hawak ang tropeo at ang official world golf ranking nito.
Ang caption ni Binoe, “Maraming salamat sa iyo Binibining Yuka Saso sa pagwagayway ng ating bandila sa buwan ng ating bandila at kalayaan.
“Ang tagumpay mo ay karangalan ng iyong lahi bilang isang Pilipina at taga-Bulacan. Pagpupugay sa iyong mga magulang at mga kamag anakan. Proud kami sa iyo at sa iyong pagiging Filipino-Japanese,” mensahe pa ng aktor.
Pinuna naman ni Robin ang mga bashers ni Yuka lalo na ang mga nagsasabing hindi naman daw siya purong Pinoy.
“’Yung mga Pure Filipino citizen by chance na bumibira sa batang ito na keso haponesa, tumigil nga kayo sa katarantaduhan niyo paluin ko kayo ng golf club para maliwanagan kayo, eh, puro kayo puna at reklamo wala naman kayo naitutulong.
“Maging Proud kayo sa batang ito at BANDILA natin ang dala-dala niya at napakalaking karangalan ang ibinigay sa ating lahi! Subukan niyo Magdiwang naman kahit isang beses sa buhay niyo para maging masaya naman kayo,” sabi pa ng aktor.
* * *
Maraming napulot na mahahalagang aral tungkol sa peligrong dulot ng labis na paggamit ng cellphone sa first episode ng digital anthology series na “Click, Like, Share” na pinagbibidahan ni Kyle Echarri at napapanood sa KTX.ph, iWantTFC, TFC IPTV, at Upstream.
Sa episode ni Kyle na “Reroute,” trahedya ang naging kapalit ng araw-araw na paggamit ni Brennan (Kyle) sa kinakaadikan niyang app na sumira pa sa relasyon nila ng kanyang girlfriend (Danica Ontengco). Pinuri ng mga manonood ang napapanahong kwento na lalong nagbigay-diin sa maaaring mangyari kapag inabuso ang paggamit ng social media.
“Sobrang ganda at ang galing mo doon. Ibang @kyle_echarri ang napanood namin. Natutunan ko na dapat pahalagahan natin ‘yung moments kasama ang mga tao sa life natin kesa lagi tayo naka-cellphone kasi hindi natin alam kung hanggang kailan natin sila makakasama,” sabi ni Twitter user @sheerrryyy.
Para naman kay @e_fanacc, “Reroute made me realize that the internet and social media world will control our lives once we allow it to do so. Kaya huwag nating hayaan na ma-control tayo nito. Let’s learn how to connect with real people.”
“#Reroute is somehow a glimpse of our future. With new technological discoveries and advancement hindi malabong mangyari na we’ll live in a society controlled by technology kaya it’s very important to put boundaries especially on how we use our devices, even social media platforms. Proud of you,” saad naman ni @kjpechawii_.
Tampok naman ang kwento ni Francine Diaz kasama si Renshi de Guzman sa susunod na episode na “Cancelledt” na ipalalabas na rin ngayong Sabado (Hunyo 12). Dito, haharap sa sari-saring panganib ang karakter ni Francine dahil sa kagustuhan niyang maging sikat sa social media.
Bumili na ng season pass para mapapanood ang “Reroute” at ang tatlo pang episodes na “Cancelledt” sa Hunyo 12, “Trending” ni Seth Fedelin sa Hunyo 19, “Poser” ni Andrea Brillantes sa Hunyo 26 sa KTX.ph, iWantTFC at Upstream.
Ang digital anthology series ay mula sa direksyon ni Emmanuel Palo at produksyon ng iWantTFC at ABS-CBN Entertainment kasama ang Dreamscape Entertainment at Kreativ Den.