UMABOT sa P1.3 million halaga ng ayuda ang ipinamigay ni Ivana Alawi sa mga mahihirap nating kababayan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kamakailan.
Ito’y bilang bahagi pa rin ng pasasalamat ng Kapamilya actress-vlogger matapos ngang umabot sa 13 million ang kanyang YouTube subscribers.
Naging tradisyon na para kay Ivana ang magsagawa ng charity drive at relief mission sa tuwing may matatanggap siyang blessings sa buhay lalo na ang patuloy na pagdami ng sumusubaybay at nanonood sa kanya sa YouTube.
At ngayong naka-13 million subscribers na nga siya, personal na naghanda ng food packs at grocery items ang dalaga kasama ang kanyang pamilya at ilan nilang staff sa bahay.
Mapapanood ito sa bago niyang vlog kung saan nakapag-repack nga sila ng 1,300 grocery bags, bukod pa sa inihanda nilang food packs na sina Ivana mismo ang nagluto.
Adobo ang niluto ng dalaga para raw hindi agad mapanis. Mapapanood sa video kung paano inihanda ng aktres ang mga sangkap ng nasabing ulam hanggang sa pagluluto at pagre-repack kaya naman punumpuno talaga ito ng sarap ng pagmamahal ng dalaga.
At bawat relief bag ay may inilagay din ang aktres na P1,000 cash para na rin sa mga kababayan nating wala nang paggastos dahil wala pa silang trabaho. Kaya suma-tutal ay gumastos si Ivana ng P1.3 million para sa nasabing relief mission.
Makikita rin sa vlog ng dalaga ang pamimigay ng kanyang staff sa iba’t ibang lugar sa Manila at bawat kaganapan daw ay inire-report ng mga ito kay Ivana with matching photos.
Ilan sa mga nabigyan ng ayuda nina Ivana ay mga namamalimos sa kalye, mga street vendor, garbage collectors, tricycle drivers at mga matatanda.
“Ayoko na sanang i-celebrate nang enggrande o gumastos sa celebration, kasi mas gusto ko na lang itulong sa mga taong nangangailangan. Kailangang maging praktikal ngayong pandemic,” pahayag ni Ivana sa video.
Aniya pa, “Thank you to everyone for watching our vlogs. This is not just from me, this is from all of us. Hindi ako nagyayabang. It’s our own small way of giving back, to celebrate our 13 million subscribers.”