Vice pinuri ang community pantry volunteers; Pinoy celebs kumampi sa inireklamong food chain

TRENDING ngayon ang pagtatanggol ng mga kilalang celebrity sa kontrobersyal na fast food chain na naging bahagi na ng buhay ng mga Pinoy.

Inireklamo kasi ng netizen ang nasabing fast food chain dahil sa pagkakamaling hindi naman sinadya na agad ding tinugunan ng management matapos ipasara ng tatlong araw ang nasabing branch habang isinasagawa ang imbestigasyon. 

Sa loob ng tatlong araw ay ilang staff ng nasabing fast food ang hindi sumuweldo? Na sa panahon ng pandemya ay maraming nawalan ng trabaho kaya’t nagpapasalamat ang ilang empleyadong natira dahil hindi sila natanggal  Sa ilang araw silang sarado ay ano ang ipapakain nila sa pamilya nila?

Pero tila hindi pa nakuntento ang netizen na nagreklamo dahil ipinarating pa ito sa kilalang radio host para kalampagin ang management.

Inakala namin na iboboykot ang nasabing fast food pero kabaligtaran ang nangyari dahil maraming netizens ang nagtanggol sa kanila at nangako pa ng suporta sa mga empleyado at staff nito.

Sana sa panahon ng pandemya ay tulungan nating makabangon ang lahat ng may negosyo para marami silang mabigyan ng trabaho.

Sa netizen na nagreklamo, naiintindihan namin kayo, pero siguro naman ay nakipag-ugnayan na sa inyo ang management sa nangyaring insidente at hindi naman nila ito binalewala.  

Masuwerte lang na hindi kayo empleyado ng nasabing fast food chain kaya hindi ninyo dinaranas ang pinagdadaanan nila ngayon.

* * *

Umulan ng swerte at salapi sa unang episode ng “Everybody, Sing!” ni Vice Ganda dahil nagtagumpay ang grupo ng community pantry volunteers na makuha ang jackpot prize na P500,000 kagabi.

Nahulaan ng tama ng 25 songbayanan ang 10 titulo ng mga kanta sa “Everybody Guessing” na jackpot round ng unang community singing game show ng bansa. Kaya naman, paghahatian nila ang P500,000 bilang unang jackpot prize winner. 

Pinuri rin ng Phenomenal Box-Office Star ang community pantry volunteers mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila dahil sa kanilang paglilingkod sa sambayanan sa gitna ng pandemya. 

“You all deserve to win. Mahigit pa sa P500,000 ‘yung binigay ninyong serbisyo, kalinga, at pagmamahal sa mga taong hindi niyo kakilala,” ani Vice Ganda. 

Dagdag pa niya, “Ipinakita ninyo na kapag nagtutulungan, may mabuting patutunguhan lalo na sa gitna ng kahirapan at hindi pagkakaunawaan.” 

Sa panayam sa kanya ng programa, ibinahagi ng 20-anyos na community pantry volunteer na si Pao na nahikayat siyang tumulong dahil napapasaya niya ang ibang tao at natutuhan ang pagiging pasensyoso. 

“Kahit nag-aaral kami, basta may free time, makakatulong kami sa ibang tao. Hindi lang sila ‘yung napapasaya. Pati na rin kami.” 

Bukod sa ipinakitang bayanihan, naaliw din ang netizens sa panonood ng “Everybody, Sing!” na naging top trending topic sa Twitter Philippines. 

Ani @NhelVictorino, “Parang gusto ko na ring sumali! Ang enjoy lang eh, though magkakaiba kayo ng group or organization, still ‘yung tulungan makikita mo talaga eh! Nice.”

Sabi naman ni @asirguin, “sobrang ganda ng tugtugan sa #EverybodySing. First episode pa lang mapapa-jam ka na.”

Pinuri rin ni @CristianCofino2 ang outfit ni Vice Ganda bilang ang karakter ni Audrey Hepburn sa pelikulang “Breakfast at Tiffany’s.”

“Thank you meme sa extra effort sa pagsusuot ng bonggang bongga.”

Papalarin kaya ang next batch ng songbayanan bukas? Abangan sa “Everybody, Sing!” tuwing Sabado, 8 p.m. at Linggo, 7:30 p.m sa  A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC. 

Read more...