Meryll nilabanan ang bipolar disorder, depresyon: Can you imagine yung journey ko na chaos?

KUNG mahina-hina lamang ang loob at personalidad ni Meryll Soriano ay siguradong natalo na siya ng matitinding pagsubok na dumating sa buhay niya noon.

Matapang na ibinahagi ng aktres ang mga pinagdaanan niyang extra challenge noong panahong ipinagbubuntis niya ang panganay na anak na si Elijah.

Sa pamamagitan ng isang vlog, inamin ni Meryll ang pagkakaroon ng bipolar disorder at pakikipaglaban niya sa paggamit ng drugs at ang hirap na dinanas niya habang nagdadalang-tao. 

Taong 2007 nang mabuntis ang panganay na anak ni Willie Revillame at ito rin daw yung panahon na nagdesisyon siyang sumailalim sa proseso ng pagtalikod sa droga bukod pa sa pag-atake ng kanyang bipolar disorder. 

“Can you imagine yung journey ko na chaos? Kasi hindi ko pa naman kilala yung bipolar at that time. Kailangan ko pa i-assess yung sarili ko.

“But, wala rin akong time nu’n because that was also the year that I started my sobriety from drug use. In short, I was all over the place,” pahayag ng partner ni Joem Bascon.

Nu’ng panahong yun ay hindi pa siya aware na meron na pala siyang bipolar disorder, “Meron pala akong condition. So, yun nga, hindi ko pa kilala yung sarili ko with this bipolar disorder thing, and in denial po ako noon. Ang dami kong gustong gawin.”

Dumating naman daw siya sa puntong natatanggap na niya ang mga nangyayari sa kanyang buhay pati na ang pagiging mommy ngunit sinundan naman daw ito ng pagkakaroon ng postpartum depression.

“Grabe yung hormonal changes and talagang I was in a terrible place. I had the thoughts of suicide. I had thoughts of hurting myself,” pag-amin niya.

Dahil dito, nagpatingin na siya sa dalawang doktor para matulungan siya sa kanyang mga pinagdaraanan, lalo na sa kanyang pagiging nanay. Aniya, isa talaga itong seryosong usapin na hindi dapat balewalain.

“It was a journey with my psychologist and my psychiatrist. Kaya I really encourage you guys to have one or to talk to your doctors kung paano kayo magkaroon ng extra support sa part na yun,” pahayag pa ng aktres.

Samantala, ayon kay Meryll ibang-iba na ang naging experience niya nang ipinagbubuntis ang second baby niya courtesy of Joem Bascon. Aniya, never daw siyang naka-experience ng postpartum depression.

Napakalaking bagay daw talaga ng pagkakaroon ng partner na tulad ni Joem na talagang inalagaan at sinuportahan siya sa kanyang pregnancy.

“This time around siguro, I have Joem. Laking tulong po niya saking personal needs as his partner and needs ng baby. Talagang natutulungan po niya ko,” pahayag pa ni Meryll.

Read more...