ABANGERS na ang DongYan fans sa pagbabalik ng Pinoy adaptation ng classic Korean series na “Endless Love” na isa sa mga pinagtambalan ng real-life couple na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes.
Taong 2010 nang umere ang “Endless Love,” sa GMA 7 kung saan ginampanan nina Marian at Dingdong ang mga karakter nina Jenny at Johnny.
Sey ng original Kapuso Primetime Queen, fresh na fresh pa rin sa kanyang alaala ang pagganap bilang Jenny na sa isa sa mga hindi niya malilimutang karakter sa mga teleseryeng ginawa niya mahigit isang dekada na ang nakalilipas.
Para naman sa Kapuso Primetime King, napakarami niyang “fond memories” habang ginagawa ang nasabing serye lalo pa’t kasama nga niya ang kaniyang “endless love” na asawa na nga niya ngayon.
“Kasi noong time na ‘yun talagang pinagsisigawan talaga namin sa buong mundo kung gaano namin kamahal ang isa’t isa. That’s why iba rin ‘yung experience of working with your real-life partner on screen. So kakaibang experience talaga ‘yun,” pahayag ni Dong.
Itinuturing naman ni Kristoffer Martin ang “Endless Love” na isa sa mga pinakamahalagang project na nagawa niya noong nagsisimula pa lang sa GMA. Siya ang gumanap na batang Dingdong sa serye habang si Kathryn Bernardo naman ang young Marian.
“Sobrang natutuwa ako, sabi ko ang saya saya gumawa, para kang nasa Koreanovela talaga. Kasi noong pinanood ko ulit ‘yung snippets before sabi ko parang Koreanovela tsaka sobrang payat ko noon! Para akong tingting,” chika ni Kristoffer.
Ang hinding-hindi naman malilimutan ni Dennis Trillo habang ginagawa ang “Endless Love” ay nang maging saksi siya sa tunay na pag-iibigan ng tambalang DongYan.
“Naaalala ko ‘yung mga eksena naman nina Marian at Dingdong doon, actually ‘yun ‘yung experience na makatrabaho ko ‘yung dalawang ‘yun bago pa sila ikasal,” ani Dennis.
Magsisimula na ang rerun ng “Endless Love” bukas sa GMA Telebabad pagkatapos ng “First Yaya.”
* * *
Sino nga ba si Mygz Molino sa buhay ni Mahal?
‘Yan ang isa sa mga masasaya, nakakakilig at nakakaintrigang tanong na sasagutin ng bulinggit na komedyana sa “The Boobay and Tekla Show” (TBATS) ngayong Linggo ng gabi.
Haharapin ni Mahal ang controversial questions nina Boobay at Tekla sa “May Pa-PressCon” segment ng “TBATS” at dito niya idedetalye ang espesyal at veey unusual relationship nila ni Mygz.
Tampok din si Mahal sa isang improv comedy segment upang magpamalas ng kanyang husay sa pag-arte bilang isang kontrabida. Malapit kaya ito sa kanyang character sa “Owe My Love?”
Bibida rin siya sa isa pang special segment na tinatawag na “Umayos Ka, Mahal'” kung saan susubukang hulaan ng fun-tastic duo at The Mema Squad na binubuo nina Miss Manila 2020 Alexandra Abdon, Pepita Curtis, Ian Red, Skelly Clarkson at Kitkat ang mga salita at katagang babasahin niya.
Mapapanood din sa parehong episode si “The Clash” season 3 first runner-up Jennie Gabriel.
Siguradong mamamangha ang audience sa kanyang performance ng Whitney Houston classics sa opening ng programa at pati na sa kanyang pakikipaglaro sa “Kayang-Kaya, Gayang-Gaya.”
Makakakulitan kasi niya sa segment na ito sina Boobay, Tekla at The Mema Squad sa isang laro ng celebrity impersonations.
Tuluy-tuloy ang laugh trip kahit may krisis. Tutok na sa fresh episode ng “The Boobay and Tekla Show” tonight pagkatapos ng “Kapuso Mo, Jessica Soho ”