INAMIN ng veteran actor at comedian na si Dennis Padilla na talagang nagalit siya kay Gerald Anderson nang makarating sa kanya ang balitang pinagsabay umano ng aktor si Bea Alonzo at ang anak niyang si Julia Barretto.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagkikita at nakakapag-usap nang masinsinan sina Dennis at Gerald mula nang umamin ang aktor na may relasyon nga sila ni Julia.
Ayon sa komedyante, umaasa siya na isang araw ay tatawagan siya ng Kapamilya hunk actor bilang respeto raw sa ama ng kanyang girlfriend at para mas magkakilala pa sila nang bonggang-bongga.
Sa vlog ni Ogie Diaz, inalala ni Dennis ang naging pag-uusap nila Gerald na naganal noong 2019 habang pinagpipiyestahan ang kontrobersiya tungkol sa panloloko umano ng aktor kay Bea at ang itinuturo ngang third party ay ang kanyang anak.
Ayon sa komedyante, talagang tinawagan niya si Gerald para tanungin kung ano ba talaga ang totoo sa hiwalayan nila ni Bea at kung bakit nadadamay si Julia.
“Natanong ko kay Gerald noon kung ‘syota mo pa ba si Bea?’ Ang sabi niya, ‘Hindi.’ Sabi ko, ‘Okay, para ‘wag naman lumabas na kontrabida yung anak ko.’
“Tapos sabi ko, ‘Sana ipagtanggol mo in public.’ Sabi niya, ‘Sige tomorrow, Tito Dennis, magbibigay ako ng interview,’” ani Dennis.
Pero hindi nga nangyari ang sinasabing panayam kay Gerald hanggang sa mapanood niya nu’ng araw ding iyon ang panayam kay Bea tungkol sa panggo-ghosting sa kanya ng aktor.
“And then noong gabi na ‘yun, doon na-ambush interview si Bea. ‘Ay, hindi ko alam na wala na kami. Basta hindi na lang siya tumawag,’” kuwento pa ng veteran comedian.
Dito na nakaramdam ng galit si Dennis sa aktor dahil feeling niya nagsinungaling si Gerald sa kanya sa tunay na estado ng relasyon nila ni Bea. Medyo nakampante lang daw siya nang aminin na ni Gerald sa publiko ang katotohanan.
Kasunod nito, ayon kay Dennis, ang pakiusap lang niya kay Gerald ay, “Mahalin niya lang ‘yung anak ko. Sana huwag mong lolokohin at saka huwag mong sasaktan. Basta ang importante, mahal ka ng anak ko, mahalin mo rin siya.”
Dagdag pa niyang mensahe kay Gerald, “Okay sa akin kung kakausapin niya ‘ko. Malaking bagay sa akin ‘yun kasi it’s showing your respect to the dad ng minamahal mo. Kasi mas mapapakita mo na mahal mo siya, ‘yung anak ko, kung irerespeto mo ‘yung tatay niya.”