Gladys nagpakasal sa dyowa kahit 1 buwan pa lang magkakilala: Tinapik ako ni Lord, ‘Ito na, siya na!’

IBINANDERA ng host-comedienne na si Gladys Guevarra sa buong universe na totoong isang buwan pa lamang silang magkakilala ng kanyang asawang si Mike Guardian nang magdesisyong magpakasal.

Nag-guest si Gladys kahapon sa “Eat Bulaga” bilang isa sa mga choices para sa “Bawal Judgmental” segment.

Dito nga niya ikinuwento ang ilang detalye tungkol sa love story nila ng kanyang non-showbiz husband at kung bakit sila nagpakasal agad sa Las Vegas, Nevada kahit one month pa lang silang magdyowa.

“Parang ang sa akin, hindi na kami nag-atubili na pahabain pa lahat ng preparasyon. Kasi, alam n’yo naman, hindi ko na patatagalin. True love, true love ito, ‘day, true love!” ang masayang pahayag ng komedyana at dati ring host ng “Eat Bulaga.”

Sa tanong ni Dabarkads Paolo Ballesteros kung kailan sila ikinasal ni Mike, “Paolo, hindi na ako bata! Kailangan nang habulin ang biyahe, mahuhuli na ako sa biyahe. Ha-hahaha!”

“Ayan na! May 8, ikinasal kami. Ang sabi nga nila baka raw mahigpit ang mga magulang ko, baka hindi kasi ako payagan,” natatawa pa ring chika ni Chuchay (palayaw ng TV host).

Pero paano nga ba nasabi ni Gladys na si Mike na nga ang “the right one” para sa kanya? “Marami kasing ano, maraming bagay-bagay, maraming senyales na naipakita itong tao na ito na tinapik rin ako ni Lord na, ‘Ito na yun. Siya na.’

“Sabi ko nga sa kanya, para akong 16-years-old na lahat ng ipinakita niya, sinabi niya, first time lahat,” sagot pa ng stand-up comedian at businesswoman.

Samantala, na-interview din nina Paolo at Ryan Agoncillo sa nasabing episode ng Kapuso noontime show si Mike at isa nga sa mga itinanong sa kanya at kung ano ang nakita niya kay Gladys para pakasalan niya agad nang bonggang-bongga.

“Nu’ng naramdaman ko na parang ayoko na siya mawala. Sabi ko, kailangan i-grab ko na ‘yung opportunity na ‘to na kasi baka mamaya hindi ko na uli maramdaman.’ Sabi ko, sa akin na siya,” pahayag ng mister ni Gladys.

Hirit naman ng komedyana, “Ang salita niya, it’s been a long-time na hindi niya naramdaman daw ‘yung ito, so parang ang sinasabi niya kapag pinakawalan niya pa daw ako kelan niyo uli mararamdaman. So, du’n ako parang, ‘aww!’”

Sey pa ni Gladys, “Ang saya, ayoko pakinggan ‘yung ibang sinasabi na, of course, sa simula masaya.

“Hindi! Kasi, araw-araw masaya kasi kami, natutuwa ako. Kasi, para akong bagong silang na tuwing umaga ‘yung, ‘Good morning Mrs. Guardian. Good morning my wife.’ Ang sarap!”

Read more...