KINASUHAN ng concubinage o pakikiapid ang aktor at miyembro ng grupong Ex-Battalion na si Jon Gutierrez ng kanyang asawang si Jelai Andres.
Ito’y karagdagang kaso sa isinampang demanda ng Kapuso actress at vlogger laban kay Jon na may koneksyon sa paglabag nito sa R.A. 9262, o Violence Against Women And Children (VAWC) Act.
Ang bagong legal complaint laban sa aktor at rapper ay isinampa ni Jelai sa Department of Justice, sa Quezon City, nitong nagdaang Martes.
Kasabay nga ito ng pagdalo ng estranged couple para sa second hearing nila sa reklamong paglabag sa VAWC Act, na unang isinampa ni Jelai laban sa asawa.
“Meron pa po akong na-file na ibang cases sa ibang taong involved maliban kay Jon. Sobra na kasi, parang masyado na akong natapak-tapakan, tapos yung kabilang panig pa yung naghahamon at parang matatapang.
“I realized that we need to learn how to stand up and fight for our rights para makakuha ng justice.
“Hopefully, people will learn sa mga nangyari, lalo na yung mga taong hindi marunong mag-respect sa sanctity ng marriage.
“We all know na yung pakikiapid ay nasa utos ng Diyos na kasalanan talaga siya, at sa batas ng tao ay krimen talaga siya,” pahayag ni Jelai sa panayam sa kanya ng media kamakalawa.
Ayon pa sa vlogger at Kapuso comedienne, may dalawa pang personalidad na nadawit sa kaso ngunit mas pinili na lamang niyang huwag banggitin ang pangalan ng mga ito.
Sabi pa niya, may nakita silang mga ebidensiya na magpapatunay na nakiikiapid si Jon kaya idinagdag na ang kasong concubinage sa kanilang reklamo.
Ayon naman sa legal counsel ni Jelai na si Atty. Faye Singson tungkol sa kaso, “Aside kay Jon, meron pa kaming dalawang isinali.
“Pero at this point, dahil nag-submit na kami ng formal complaint, we just leave it to the parties to receive for proper documentation para sila naman mabigyan ng chance na sagutin,” aniya pa.
Samantala, ayon pa kay Jelai kailangan niya itong gawin para sa proteksiyon ng kanyang sarili at ipaglaban ang kanyang karapatan, “Huwag nilang i-normalize ang pakikiapid.
“Ignorance of the law is not an excuse, lalo na kung wala kang pakialam. Yung selfish ka, at handa kang makasira at makasakit ng tao, handa kang makasira sa pamilya ng iba.
“Kailangan ko lang ipaglaban ang pagkababae ko. Hindi lang bilang babae, kundi bilang tao po. Sobra na po kasi. Ito na, kailangang kong ipagtanggol ang pagkatao ko,” pahayag pa ni Jelai kasabay ng pagsasabing aayusin na rin niya ang pagpag-file ng annulment of marriage nila ni Jon.
Bukas ang BANDERA sa magiging paliwanag at depensa ni Jon sa mga akusasyon sa kanya ng nakahiwalay na asawa. Agad naming ilalabas ang kanyang panig sa isyung ito.
Kung matatandaan, nagpakasal ang dating celebrity couple noong October, 2018. Pareho rin silang napapanood sa malapit nang magtapos na Kapuso seryeng “Owe My Love” na pinagbibidahan nina Lovi Poe at Benjamin Alves.