Miss Q&A Juliana Parizcova hinampas ng trophy sa ulo; kontra sa pagsali ng trans sa Miss U

NANININDIGAN ang 2018 winner Miss Q&A gay pageant ng “It’s Showtime” na si Juliana Parizcova Segovia sa pagkontra niya pagsali ng transgender woman sa mga beauty pageant tulad ng Binibining Pilipinas at Miss Universe.

Mainit na pinag-uusapan ngayong June Pride Month ang isyung ito, lalo na ng mga transwoman na rumarampa sa iba’t ibang pageant at mga tunay na babaeng beauty queen.

Ang punto ni Juliana, hayaan ba lamang ang mga beauty pageant sa mga tunay na babae dahil may mga contest naman para sa mga bading at transwoman na tulad niya.

“Kung transgender kang contestant sa Miss Gay Barangayan at may sasali na tunay na babae, di ba magrereklamo ka?

“Meron naman kaming sariling laban like Miss International Queen in Thailand na puwedeng paingayin at bigyan ng focus by holding a Miss Philippines International Queen local edition bago isabak sa Thailand,” paliwanag ni Juliana sa ginanap na virtual mediacon para sa pelikula niyang “Gluta” under Viva Max kung saan bida si Ella Cruz.

Diin pa ng Kapamilya gay comedian, “Ito talaga ang dikta ng lipunan. Kung babae ka, ang Miss Universe para sa ‘yo at kung transgender ka naman, Miss International Queen ka.”

Naibahagi rin ni Juliana o Tyrone James Ortega sa tunay na buhay, kung gaano katindi ang naranasan niyang pambu-bully at pang-aapi noong kabataan niya.

Sa katunayan, nasa tiyan pa lang daw siya ng kanyang ina ay nilalait na siya ng ibang tao.
Sey ni Juliana, “Sa mga nakakaalam ng istorya ng buhay ko, nasa sinapupunan pa lang ako, binu-bully na talaga ako. Totoo ‘yan.

“Nu’ng nabuntis ang nanay ko, talagang ayaw ng family ng nanay ko na magbuntis siya nang ganoon kaaga. Parang nag-try na ilaglag ako and everything. Pero siyempre, makapit ako, palaban, kaya nailabas pa,” ang biro ngunit may halong kirot sa puso na sabi ng komedyante.

Patuloy pa niyang kuwento sa presscon ng “Gluta,” “Hanggang paglabas, hanggang sa lumalaki ako, lahat ‘yan na-experience ko, lalung-lalo na nu’ng nagsisimula na akong sumali sa Miss Gay.

“Nang magsimula akong mag-contest sa mga barangay at ang kalaban ko, e, talagang totoong mga baklang magaganda, malalambot, mukhang babae, du’n talaga ako naka-experience ng bullying,” dagdag pa niya.

May mga pagkakataon na talagang sinasaktan na siya ng pisikal, “Yung experience na biglang may mananakit sa ’yo nang walang dahilan, totoo po na nangyayari.

“Kasi kapag ako ang nananalo sa isang barangay contest, hinahampas ako ng trophy sa ulo.

“Parang hindi nila matanggap na ako yung title (nanalo). So ang ginagawa ko, inaalayan ko sila ng bouquet of flowers. ‘O, iyo na lang ‘yan para may maiuwi ka,'” pahayag pa ni Juliana.

Aniya pa, medyo nabawasan na ang pambu-bully sa kanya nang manalo na siya sa Miss Q&A, “Hindi ko masasabi na totally wala na. Hanggang ngayon, meron pa rin naman nambu-bully.

“Pero nabawasan talaga simula nung ako mismo, kailangan kong maniwala sa sarili ko na maganda ako. Kasi kapag hindi ako naniwala sa sarili ko na maganda ako, yun din ang makikita sa akin ng mga tao,” diin pa niya.

Samantala, sa bagong dramedy (drama-comedy) movie ng Viva Films na idinirek ni Darryl Yap, gaganap si Juliana bilang tiyuhin ni Ella Cruz. Pareho silang may lahing Aeta at ang ultimate dream nila ay ang maka-join sa beauty pageant.

Kasama rin sa pelikula sina Marco Gallo, Cristina Gonzales, Rose Van Ginkel at marami pang iba.

Panoorin ang “Gluta” ngayong July sa Vivamax.  Mula sa twisted mind ni Darryl Yap, saksihan kung paano ipakikita ng pelikula ang mahalagang mensahe na “Walang kulay ang kaligayahan.”

Mag-subscribe na sa Vivamax sa web.vivamax.net. Maaari ring mai-download ang app at mag-subscribe sa Google Play Store at App Store o bumili ng Vivamax vouchers sa Shopee at Lazada.

 

 

RELATED VIDEO

Read more...