Kapatid ni Ivana na si Mona ilang beses naospital: It will take some time para umokey ako

ILANG beses na naospital ngayong panahon ng pandemya ang dating child star at nakababatang kapatid ni Ivana Alawi na si Mona.

Sa bagong vlog ng Kapamilya sexy actress, nagbahagi si Mona ng ilang detalye tungkol sa kanyang health condition ngayon at kung paano niya nilalabanan ang kanyang karamdaman.

Kasaluluyang ginagamot ngayon ang nerve damage problem ni Mona na isa sa mga complications ng kanyang diabetes. Ngunit sabi ng dating child star, nakokontrol na niya ngayon ang kanyang blood sugar level kumpara noon.

“I’m type one diabetic and for a while, hindi talaga controlled ‘yung sugar ko even though nagtutusok naman kami.

“Recently, hindi ako okay. Alam mo ‘yung nagkakasakit ako? Nag-start din ako rito sa pump. And then umokey na ‘yung sugar ko for the first time in 10 years,” simulang pagbabahagi ni Mona 

Patuloy pa niya, “Kasi dati lagi akong high, 300 or 400. And ngayon, nasa normal na ako which is 90 to 140 ganu’n. Pwede pa sa akin ‘yun kasi nagbibigay naman ng insulin, 120 normal kapag normal ka. Pero 140 kapag sa diabetic, normal.”

Kamakailan lang daw ay na-diagnose siya ng diabetic neuropathy o isang uri ng nerve damage na karaniwang nakukuha ng may mga diabetes. 

“After nu’n, nagkaroon ng problems ‘yung nerves ko kasi nagulat ‘yung katawan ko. Sanay kasi sila sa mataas na sugar.

“So ‘yung nerves ko, nagulat sila tapos nagkaroon ako ng diabetic neuropathy. Pero I will get better. Hindi naman siya incurable,” paliwanag pa ng kapatid ni Ivana.

Siniguro naman ni Mona sa kanyang mga tagasuporta pati na sa fans ng kanyang ate na, “May gamot siya but it will take some time para umokey ako.”

Samantala, sa mga nagtatanong naman kung bakit hindi kasama si Mona sa ilang vlogs na ginawa ni Ivana at ng isa pa nilang kapatid na si Hash, ang actress-vlogger na ang sumagot dito.

Aniya, “Ilang beses kasi siyang naospital nu’ng pandemic. Tapos alam mo ‘yun, hindi kami makadalaw. Pero isang beses, dumalaw ako. 

“Wala akong pakialam, wala akong trabaho. Tapos nag-PPE ako tapos nagpunta ako du’n sa room nila. Kasi ilang beses na siyang na-ospital dati. So ngayon, umookey na,” lahad pa ni Ivana.

Nagbigay din ng mensahe si Mona sa lahat ng mga nagmamahal at sumusuporta sa kanya pati na rin sa kanilang pamilya. Nangako siya hindi siya susuko sa laban.

“Mahirap siya but I’m fighting and I’m going to keep fighting para sa pamilya ko, para sa sarili ko and para sa inyo kasi love ko kayong lahat,” pahayag pa ng dalagita.

Read more...