Camp Big Falcon na gagamitin sa ‘Voltes V’ ng GMA singlaki ng 4 na basketball court

UMAMI na naman ng papuri ang Kapuso Network matapos bumandera ang ginawang Boazanian Skull Ship para sa inaabangang live-action adaptation ng Japanese anime na “Voltes V: Legacy.”

Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinakita ng “Voltes V” production team sa publiko ang magiging itsura ng Boazanian Skull Ship na halos isang taong binuo bago ito na-perfect.

Ayon sa direktor ng upcoming action-drama at fantasy series ng GMA na si Mark Reyes, hindi biro ang ginawang effort ng production sa konstruksyon ng skull ship pati na rin ang gagamiting set para sa Camp Big Falcon at underground base nito.

“There are separate studios. The one for the Skull Ship, siguro ang laki niya is siguro two basketball courts. ‘Yung laki naman ng Camp Big Falcon would be three to four basketball courts. Ganoon kalaki ‘yung set, massive. When we saw it, even us were shocked,” pagmamalaki ni Direk Mark sa panayam ng GMA.

Kamakailan lang ay nagsimula na rin ang lock-in taping para sa “Voltes V: Legacy” at inamin ng direktor na naging emosyonal siya nang mag-start na sila makalipas ang walong taong paghihintay.

Bukod dito, naisukat na rin ng buong cast ang kanilang mga costume na isang taon ding kinarir gawin ng produksyon, “It has undergone five revisions and is still a work in progress.”

“It’s not like Encantadia na we’ve created. Ito kasi franchise ‘to that we have to get approvals from Japan and, siyempre, may mindsets ang mga tao dito, ‘yung die hard Voltes V fans, na dapat magandang-maganda ‘yan and then we have to update it.

“We have to find a good marriage between the classic Voltes V look and what is acceptable nowadays. Hindi tayo gagawa ng just plain spandex,” paliwanag ni Direk.

Umaasa rin siya na aabangan at hihintayin ng Kapuso viewers all over the universe ang “Voltes V: Legacy” kahit pa medyo matagalan ang pagpapalabas nito sa GMA.

“We could have moved things faster but the pandemic hit. Don’t expect this to be ready this year because this is something big and if you really want it good, just the CGI (computer-generated imagery) work alone will take a while,” paalala pa niya.

Bibida sa Pinoy version ng “Voltes V” sina Miguel Tanfelix bilang Steve Armstrong, Ysabel Ortega bilang Jamie Robinson, Radson Flores bilang Mark Gordon, Matt Lozano bilang Big Bert Armstrong, at Raphael Landicho bilang Lil Jon Armstrong.

Gaganap naman bilang mga kalaban sina Martin Del Rosario at Liezel Lopez na gaganap bilang sina Prince Zardoz at Zandra. Bukod pa riyan ang iba pang kontrabida sa kuwento na sina Epy Quizon bilang Zuhl, Carlo Gonzalez bilang Draco, Neil Ryan Sese bilang Dr. Hook, at Gabby Eigenmann bilang Commander Robinson.

Read more...