Dagdag-korona, bawas-kandidata sa 2021 Miss Queen of Hearts PH pageant

Nang nagtawag ng mga aplikante ang Miss Queen of Hearts Philippines pageant para sa taong ito, walong korona ang iwinagayway nito sa mga nagnanais sumabak.

Ngunit ngayong nakapili na ng mga opisyal na kandidata ang Queen of Hearts Foundation, dalawa pang titulo ang idinagdag, kapwa may kaakibat na pandaigdigang patimpalak.

Naunang hinayag ng Miss Queen of Hearts Philippines pageant na pipiliin nito ang mga magiging kinatawan ng bansa sa Miss Global Universe, Miss Tourism Worldwide, at Miss Lumiere International World pageants, at igagawad pa ang mga koronang Miss Queen of Hearts Universe, Miss Queen of Hearts World, Miss Queen of Hearts International, Miss Queen of Hearts Earth, at Miss Queen of Hearts Global Tourism.

Ngunit sa isang virtual conference kasama ang mga kawani ng midya, sinabi ni Queen of Hearts Foundation President Mitzie Go-Gil na pipiliin na rin sa patimpalak ngayong taon ang mga magiging kinatawan ng Pilipinas sa pagdaraos ng Miss World Peace pageant sa 2021 at 2022.

Dahil dito, umabot na sa 10 ang kabuuang bilang ng mga koronang paglalabanan, lima sa mga ito may kaakibat na pandaigdigang patimpalak.

Si Sheenary Tamagos ang kinatawan ng Pilipinas sa 2021 Miss Lumiere International World pageant./FACEBOOK PHOTO

Samantala, tinanggal naman sa hanay ng mga kandidata si Sheenary Tamagos mula sa lalawigan ng Cavite.

Kagyat na natapos ang paglalakybay niya para sa isang pambansang korona nang magpasya ang mga organayser na ipadala siya sa 2021 Miss Lumiere International World, na magdaraos ng isang virtual competition ngayong buwan.

Best in Talent si Kathie Lee Berco./FACEBOOK PHOTO

Nakatanggap ang national franchise holder ng utos mula sa international organizer na agad maghain ng kinatawan para sa patimpalak ngayong taon.

Dahil sa biglaang pagkakapili kay Tamagos, nasa 22 na ngayon ang bilang ng mga kandidata sa 2021 Miss Queen of Hearts Philippines pageant.

Sumabak na agad sa mga online event at preliminary competition ang mga kandidata.

Tabla sina Kathie Lee Berco at Maerylle Blauta sa Best in National Costume award./FACEBOOK PHOTO

Tabla sa Best in National Costume award sina Kathie Lee Berco ng Pangasinan, at Maerylle Blauta ng Leyte. Ngunit nakaungos si Berco nang manguna siya sa talent competition.

Umaasa ang organayser na makapagdaraos ito ng pisikal na palatuntunan upang makoronahan ang mga magwawagi.

Tabla sina Kathie Lee Berco at Maerylle Blauta sa Best in National Costume award./FACEBOOK PHOTO

Read more...