Showbiz couple bigla na lang naghiwalay; may malalim na dahilan ayon sa aktor

TRAUMATIC para sa baguhang aktor ang naging relasyon nila ng isang kilalang aktres na napapanood ngayon sa umeereng teleserye.

Balitang nagkahiwalay ang dalawa dahil hindi na sila halos nagkikita. Madalas daw ay hindi nagtutugma ang kanilang schedule kaya halos wala na silang panahon para isa’t isa.

Sa pagkakaalam namin, naunang nagkaroon ng projects ang aktres at dahil baguhan pa lang kaya kaliwa’t kanan ang workshops na dinadaluhan nito.

At dahil nga puro trabaho ang inaatupag niya araw-araw ay nawalan na siya totally ng oras para sa dyowang aktor.

Si aktor naman ay unti-unti na ring napapansin sa showbiz lalo na nang gawin niya ang isang project noong kasagsagan ng pandemya at dahil hindi na nga sila nagkakausap kaya minabuti nilang maghiwalay na lang.

“May iba pang dahilan, hindi na lang siya _____ (aktor) nagkukuwento,” ang pabiting sabi ng aming source.

Ayon pa sa aming kausap, nagbago na rin daw ang ugali ng aktres, lalo na ngayong medyo nakikilala na siya sa larangan ng pag-arte. Parang hindi na rin daw ito ma-reach ngayon.

“Nag-iba na rin ng lifestyle kasi si _____ (aktres), siyempre malalaking artista na ang nakakasama tapos may mga nakilala pang mga kilalang tao outside showbiz.”

Dagdag pa niya, “Nakita mo na ba ang bago niyang sasakyan, ang bongga, di ba?”

Sabi namin baka katas iyon ng hardwork ng aktres dahil mahirap ang karakter niya sa isang serye at inuna talaga niyang magkaroon ng sasakyang magagamit sa shoot.

“Oo nga, kaya hindi na siya maabot ni _____ (aktor), sabi nga ang layo-layo na nang narating niya,” sabi pa ng aming source.

Read more...