KINAMPIHAN at sinang-ayunan ng maraming netizens ang mga bagong hugot ni Alessandra de Rossi na may konek sa mga taong walang ginawa kundi maghasik ng kanegahan at galit sa social media.
Matapang na ibinandera ng award-winning actress ang kanyang saloobin sa palala nang palalang sistema sa socmed na tinawag pa niyang “toxic environment”.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Alex na mas tumitindi pa ngayon ang ginagawang pambu-bully at pambabastos ng mga troll sa kanilang kapwa na parang wala nang kinatatakutan.
Aniya, nakaka-miss na raw yung panahon na ingat na ingat ang mga tao sa pagsasabi ng mga masasakit na salita laban sa kanilang kapwa.
Sabi ni Alessandra, “Ang toxic ng social media. Nakakamiss ang outside (world) kung saan natatakot magsabi ng nega sa personal ang isang taong di kakilala at baka makuyog ng barangay. Makalayas na nga.
“Mema/nega: ‘Wag ka nang babalik! Di ka namin kailangan.
“Me: Ikaw owner ng internet? Char!”
Binuweltahan din niya ang mga troll at bashers sa socmed na tinawag pa niyang “mayabang” at “walang personality.”
Isang follower naman ng aktres sa Twitter ang nagkomento na binabayaran daw kasi ang mga trolls sa social media para manglait at mang-okray ng ilang celebrities.
Pero anito, kahit kailangan niya ng pera ay hindi niya kayang sikmurain ang manira ng ibang tao kahit malaking halaga ang kapalit.
“No, kahit walang bayad. Ang yayabang sa Internet. Puro lait, puro puna. In person naman, walang personality. Ano na?” sagot naman ni Alessandra sa nasabing netizen.
In fairness, marami naman ang sumang-ayon sa tweet ni Alex na nagsabing parang wala na raw takot sa Diyos ang mga netizens ngayon lalo na yung mga taong puro mura at bastos na salita ang ipino-post.
Comment pa ng isa niyang tagasuporta, kailangan nila ang isang tulad ni Alessandra na walang kinatatakutan at talagang matapang na nakikipaglaban para sa mahahalaga at kontrobersyal na issue sa bansa.
May nagsabi pa nga sa amin na sana raw ay tumakbo sa susunod na eleksyon ang sisteraka ni Assunta de Rossi dahil sa paninindigan nito sa buhay.