HINDING-HINDI makakalimutan ng komedyanteng si Empoy Marquez ang mala-teleseryeng eksena sa kanyang buhay na naganap sa birthday concert ni Megastar Sharon Cuneta.
Dito raw napatunayan ni Empoy na totoong-totoo ang kasabihan sa mundo ng showbiz na kahit anong mangyari, kahit gaano pa katindi ang pinagdaraanan mo — the show must go on.
Kuwento ng aktor, naranasan na niyang mag-perform on stage at magpatawa sa harap ng maraming tao kahit na may dinadala siyang mabigat na problema.
Sa pamayam kay Empoy ng online show na “Share Ko Lang”, binalikan niya ang tagpong ito at kung paano niya naitawid ang isang commitment kahit na namatayan siya ng mahal sa buhay.
“Birthday po ni Ms. Sharon Cuneta. Special guest niya po ako sa may Araneta Coliseum. Hindi ko nga po alam kung bakit nandu’n po ako nu’ng time na ‘yun pero sabi nu’ng staff, ‘Isa ka sa gusto ni Miss Shawie kaya ikaw ang isa sa special guest na surprise.’
“Pumunta po sa akin ‘yung PA ko, sabi niya, ‘Gusto ka makausap nu’ng ano…tumatawag ‘yung pinsan mo.’ Tapos sinagot ko.
“Sabi ko, ‘Hello.’ Sabi nu’ng pinsan ko, ‘Poy, nasaan ka ba?’ Sabi ko, ‘Erick, nandito ako sa may Araneta. Guest ako ni Miss Shawie. Surprise guest.’ ‘Oo, kaya lang hinahanap ka ni Inang.’
“’Yung lola ko po. Nasa ospital po siya that time, e, at nasa ICU nu’ng time po na ‘yun.
“Tapos after mga one minute po, kinakausap ko po siyang ganyan tapos ipapasa na po yata niya kay Inang ‘yung telepono para kausapin po ako.
“Ipaparinig niya lang po ‘yung ganu’n, tapos ‘yung gumaganu’n sa ospital, biglang nag-something na Tooooot…
“Tapos sinabi sa akin ng pinsan ko na wala na raw ‘yung lola ko,” dire-diretsong kuwento ni Empoy.
Pagpapatuloy pang pagbabalik-tanaw ng komedyante, “E, ako na po ‘yung turn. Ako na ‘yung kakanta. Ako na ‘yung sa stage, tapos hindi ko po alam ‘yung lyrics.
“Pero parang nu’ng time na ‘yun, yumuko po ako tapos sabi ko sa sarili ko, ‘Oh, Lord God, kayo na po ang bahala sa akin.’
“Alam mo ‘yung nandu’n ka sa moment na nawala ‘yung mahal mo sa buhay tapos nandito ka sa maraming tao, papunta ka rito sa maraming tao, maraming tao tapos malungkot ka, tapos bigla kang kailangan mong magpasaya ng maraming tao sa (Big) Dome.
“First time in my life na nangyari po sa akin ‘yun. Hindi lang pala sa pelikula nangyayari ito. Kailangan ko pa rin, continuous pa rin, show must go on,” lahad pa ni Empoy.
Tinapos pa rin ng komedyante ang show hanggang sa mag-blow ng kandila sa kanyang birthday cake si Mega. At nang magkaroon na siya ng chance na umalis sa venue, “Dire-diretso po ako sa CR, tapos doon ako humagulgol po nang humagulgol.
“Tapos hindi ko na po kinuha…hindi ko na po na-fill-up-an yata ‘yung parang payslip, diretso na ako sa sasakyan. Uwi na po ako kasama ko po ‘yung PA ko at saka ‘yung driver ko. ‘Yun po ‘yung time na ‘yun na sobrang nakakatulala po,” aniya pa.
Naikuwento rin ni Empoy sa nasabing panayam ang pagpanaw naman ng isa pa niyang kapamilya habang nasa taping naman siya ng kanyang teleserye.
“Pero nitong recently lang po ‘yung stepfather ko, he died 10 days ago. Nakakabigla po ‘yung ganu’ng pangyayari. Same lang. Alam mo ‘yung kailangan mong…ako po ‘yung ‘yun nga nabanggit ko po a while ago na ako po ‘yung comic relief.
“Kailangan, siyempre, sa set happy, ‘tapos parang ano siya hindi ka dapat makitaan na malungkot ka,” pahayag pa ni Empoy.