Ipinanukala ni Senate President Vicente Sotto III na madagdagan ang buwanang pensyon ng mga mahihirap na senior citizen.
Paliwanag ni Sotto sa kanyang Senate Bill No. 2243, ang dagdag P500 sa natatanggap ng P500 kada buwan ay pangtulong sa pagbili ng mga pangangailangan ng mga nakakatanda.
Diin nito, tumataas ang halaga ng mga bilihin at serbisyo dahil sa pandemya.
Katuwiran pa ng senador, hindi naman ganap na napapakinabangan ng lahat ng seniors ang mga benepisyo na nakasaad sa Senior Citizens Act (RA 7432) dahil kadalasan ang mga nagbibigay ng ‘senior discount’ ay mga malalaking negosyo.
“May 20 percent discount nga sila, pero hindi naman nila ito magagamit sa pagbili ng pandesal sa bakery, o ng turon na merienda sa aleng dumaraan sa harap ng kanilang mga bahay. Sa sitwasyon natin ngayon na hindi naman maaaring lumabas ang ating mga lolo at lola para ma-avail ang kanilang senior citizen discount, malaking tulong ang anumang halaga na maidadagdag sa kanilang social pension. Dagdag pambili rin ito ng kanilang mga gamot at iba pang pangangailangan,” punto pa ng senador.
Samantala, ang bersyon ng naturang panukala sa Mababang Kapulungan ay isinusulong naman ni Senior Citizen partylist Rep. Rodolfo Ordanes, ang namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens.
Base sa datos, may 3,796,791 indigent senior citizens sa bansa hanggang noong 2019.