UMAGAW ng eksena at naging isyu ang pagsuko ni Janet Lim Napoles kay Pangulong Aquino noong isang linggo.
Paulit-ulit itong pinag-usapan, binatikos at ipinagtanggol. Pero tila hindi masyado nabigyan ng pansin ang pag-uusap ng pangulo at ni Napoles. Kanya-kanya tuloy ng espekulasyon.
May mga nagsasabi na kumanta na si Napoles kay Aquino. Pero ano kaya ang ikinanta niya?
Baka ikinanta niya ay ang mga mambabatas na inabutan niya ng pera kapalit ng kanilang mga pirma.
O baka naman inilaglag na ni Napoles yung iba pang nasa likod ng bogus na non-government organization na pinagkakitaan din ang gobyerno.
Kung ako ang nasa sapatos ni Napoles, ang ikakanta ko ay yung mas malaki sa akin para maalis na sa akin ang init ng kamera.
Natatandaan ko na may nabanggit na pangalan si Napoles na lumabas sa Inquirer, ang sister company ng Bandera, na sinabi niya na hindi siya kundi ang isang Patricia Gay Tan ang dapat na nadidiin sa pork barrel scam.
Hindi naman idinetalye ni Napoles kung sino at ano ang partisipasyon ni Patricia Gay Tan sa mga kontrobersyal na transaksyon.
Bakit nga naman si Napoles lang ang nadidiin? Damay-damay na.
Kung isiniwalat lang sana ni Napoles kung sino si Patricia Gay Tan ay nalaman na sana natin kung siya ay kasama sa mga bogus na NGO, o baka kakompitensya niya sa negosyo.
Maraming masisirang pangarap kapag nagsalita si Napoles. Yung mga nag-aambisyon ng mas mataas na puwesto sa gobyerno, yung mga gustong makaupo sa Palasyo ng Malacañang.
Nakakaladkad ang kanilang pangalan sa scam at bago ang araw ng halalan (kung tatakbo man sila) gagamitin itong bala laban sa kanila.
Hindi lamang nag-iipon ng pondo ang mga tatakbo sa 2016 elections, nagiipon din sila ng bala para sa kanilang kalaban.
Sabi ng ilang kongresista na nagpapaliwanag, sa mga government agencies nila ibinigay ang kanilang pondo.
Totoo nga kayang wala ng pakialam ang mga kongresista kapag naibigay na nila ang kanilang pork barrel sa government agencies.
Baka hindi maniwala ang taumbayan nyan. Alam ng marami na idinadaan lang ng mga kongresista ang kanilang pork barrel sa mga ahensya ng gobyerno bago aputa sa pinili nilang non-governmental organization.
Abono nanaman ang taumbayan nyan. Kaya tama si Speaker Feliciano Belmonte Jr., na alisin na ang mga consumables gaya ng fertilizer at seedlings sa mga maaaring paglagakan ng pork barrel ng mga kongresista.
Paano nga naman matitiyak ng Commission on Audit na may inilagay na abono sa lupa. Yung mga seedlings naman ay maaaring sabihin na namatay na kaya hindi na inabutan ng COA auditors.
May komento o reaksyon o kaya ay tanong ba kayo hinggil sa artikulong ito? I-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.