Ayon sa singer-actress at TV host, may mga YouTube channel ang gumagamit sa mga mensahe at video na ipino-post niya sa social media para kumita ng pera.
Sey ng Megastar, okay lang naman na gawan ng balita ang mga pinagsasasabi niya sa Instagram at Facebook pero huwag naman daw itong gamitin para lokohin ang madlang pipol at magpakalat ng kasinungalingan.
Matagal na raw siyang nakakakita at nakakabasa ng mga pekeng balita tungkol sa kanya na ginagawa ng ilang vloggers sa YouTube.
Feeling niya sinasadya ng mga ito na magpakalat ng malilisyosong kuwento para dumami ang views at subscribers at pagkakitaan ito nang malaki.
Ang huli ngang ikinaimbiyerna ni Shawie ay ang malilisyosong chika tungkol sa tunay na dahilan ng pagpunta niya sa Amerika bukod sa pagpapaturok doon ng COVID-19 vaccine.
May ilang YouTuber pa nga na idinamay pa sa mga intriga ang leading man ni Mega sa bago niyang pelikula na si Marco Gumabao. May mga tsismosa kasi ang nagsasabi na magkasama raw ngayon sa US ang dalawa.
Sa pamamagitan ng Instagram, ibinandera ni Mega ang pagkadismaya sa mga taong ito at ipinagdiinan na wala siyang masamang motibo o negang dahilan ang pagtungo niya sa US.
“Hay nako pinagkakakitaan na naman ako sa youtube. Puro kasinungalingan yan. Maganda ang dahilan ng pagpunta ko dito!” pahayag ng misis ni Sen. Kiko Pangilinan.
Sinagot din niya ang isang netizen na nagsumbong sa kanya na may mga malilisyosong blind item na lumalabas na tumutukoy sa kanya ang mga ibinigay na clue.
Reply ng OPM at movie icon, “Talaga! Sana di puro kasinungalingan. Maganda ang dahilan ng pagpunta ko dito eh.”
Marami namang Sharonians ang nagtanggol kay Mega at sinabing tigilan na ang pagpapakalat ng fake news kabilang na ang pagli-link sa aktres at kay Marco.
Hindi rin daw sila naniniwala sa chika na nagkaroon ng matinding away sina Sharon at Kiko kaya biglang nag-alsa balutan ang Megastar at lumipad patungong Amerika.