Andrea nagka-eating disorder; hiyang-hiya nang tinadtad ng pimples ang face

MATAPANG na inamin ng Kapamilya youngstar na si Andrea Brillantes na nakipaglaban din siya noon sa isang uri ng “eating disorder” at “acne problem.”

Inilahad ng dalaga ang tungkol dito sa nakaraang virtual mediacon ng pagbibidahang bagong digital anthology series ng ABS-CBN na “Click, Like, Share” kasama ang iba pang miyembro ng Gold Squad.

Ani Andrea, nakaka-relate siya sa karakter niya sa nasabing serye dahil gaganap nga siya rito bilang isang dalaga na may eating disorder na ang tawag ay bulimia nervosa.

Kuwento ni Andrea, “Ang title ng series namin ni Nio (Tria) ay ‘Poser’ kasi si Beth (karakter niya) she struggles with bulimia nervosa.

“Meron siyang eating disorder kasi she was overweight before kaya nagkaroon siya ng struggles with her self-image.

“Kaya nu’ng meron siyang nagustuhan na guy, feeling niya hindi siya gusto, feeling niya hindi siya matatanggap kasi hindi rin niya tanggap ang sarili niya.

“Feeling niya she’s not beautiful enough kahit she lost weight na. Kaya nu’ng may nahanap siya na app na YouMorphMe, ginawa niya yung way para gumawa ng fake self niya at yun naman si Lily.

“Ginamit niya yung app na yun para mang-catfish kasi feeling niya yun lang yung way para matanggap siya,” kuwento ng dalaga.

Pagpapatuloy pa niya, “Actually hindi ko pa ito napag-uusapan pero naka-relate ako kay Beth on her struggle with an eating disorder.

“Pero never ako gumawa ng fake persona. Pero naramdaman ko yung struggle niya kung bakit hindi siya worthy na ipakita yung sarili niya sa mga tao,” pag-amin ni Andrea.

Dagdag pang kuwento ng Kapamilya young actress, “Nag-struggle din ako sa acne pero hindi siya actually masyado alam ng mga tao kasi palagi ako naka-makeup.

“Sa Kadenang Ginto bago ako pumunta sa set iiyak muna ako sa kotse kasi ang dami kong pimples. Kapag kinakausap ako hindi ako tumitingin kasi nahihiya ako.

“Na-overcome ko yan sa mismong Kadenang Ginto rin kaya sobrang nagpapasalamat ako sa show na yun kasi hindi lang siya naging trabaho sa akin. Lahat ng staff, cast, crew naging family. Sila ang bumuo sa akin.

“Para sa akin napakalaking bagay para ma-overcome mo yung mga ganung klaseng depression, eating disorder, malaking bagay na meron kang suporta sa mga totoong tao na nagmamahal sa iyo.

“Pero kinuha ko rin yung lakas na yun sa sarili ko. Hindi yun overnight. Ilang taon na ako nag-sa-struggle and ngayon nasasabi ko na okay na ako,” lahad pa ng ka-loveteam ni Seth Fedelin.

Tungkol naman sa pagbibida niya sa isang makabuluhang serye na idinirek ni Manny Palo, “I was very lucky na tinanggap nila direk yung sinabi ko kasi gusto ko talagang episode ko ay maka-reach mga bata babae, lalaki na napagdaanan yung pinagdaanan ko.

“Na yung iba na nagkaroon ng eating disorder or naging insecure dahil sa unrealistic beauty standards ng generation namin ngayon. Kaya sobrang lucky na nagawa ko yung episode na yun kaya na-check na,” aniya pa.

Ang “Click, Like, Share” ay mula sa iWantTFC at ABS-CBN Entertainment in association with Dreamscape Entertainment and Kreativ Den, at mapapanood na ito simula sa June 5 sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV and soon sa Upstream.

Read more...