Bearwin Meily naiyak sa interview; nawalan ng raket, naibenta ang bahay

MAY business na pala ang dating komedyanteng si Bearwin Meily na nakapwesto sa Octagon Fashion Strip Taytay Tiangge.

Siya mismo ang nagluluto at sarili rin niyang timpla ang itinitinda nila sa Corny Doggy Premium Corn Dog base sa kuwento niya nang mag-guest sa vlog ni Ogie Diaz sa YouTube na umabot na sa mahigit 830k views and counting.

Inamin ni Bearwin na kung busy pa siya sa career niya bilang aktor ay hindi niya maiisip ang magtinda ng corny doggy dahil marami siyang ginagawa at kumikita siya nang malaki. Aminado rin na ang kinikita niya ngayon sa pagtitinda ng hotdog ay maliit lang.

Unang tanong ng sikat na content provider, host at talent manager kay Bearwin ay paano nakaapekto sa kanya ang COVID-19 pandemic.

“Alam mo ‘Gie, bago pa naman mag-pandemic tinamaan na ako, eh.  Bago pa mag-pandemic hindi na rin naman ako nabibigyan ng chance sa TV, ang huli natin ‘yung Home Sweetie Home matagal na ‘yun, di ba?

“Itong pandemic ito ‘yung pinakamabigat, number 1, ‘yung events na raket natin talagang nawala rin. Ang medyo tinitingnan ko lang na magandang perspective is hindi lang ako ang dumaan sa problema, hindi lang ako ang nag-iisang naapektuhan, in fact marami pang iba,” bungad ni Bearwin.

Anu-ano nga ba ‘yung mga bayarin niya noon na kailangan niyang hagilapin ang pambayad ngayon dahil hindi siya nakapagtabi. At dito na nagsimulang nagbago ang boses ni Bearwin at pinipigil ang pagpatak ng mga luha.

“Before pandemic nakabili ako ng bahay at hindi pa man nagpa-pandemic tumakbo akong konsehal dito sa Taytay hindi rin naman pinalad. So at first maghahagilap ka at wala ka rin namang aasahan dito, walang industriya, walang trabaho, hindi ka nanalo, so wala kang ibang kakapitan kundi ang Diyos.

“So, after mong maghagilap para sa mga bayarin, next is you surrender.  ‘Yun ‘yung mahirap, masarap pakinggan pero mahirap gawin.  Kahit hindi mo matanggap na ibenta ang bahay mo, ibebenta mo, eh.  Binenta namin ang bahay namin. One thing wala kaming pambayad kaysa maremata ng bangko binenta ko,” pagtatapat ng aktor.

Sa tanong ni Ogie kung may nakuha siya sa mga pinagbentahan niya, “Yeah, nakakuha ako at ngayon nagre-rent na lang kami ngayon.  And on the other side of the story, nagre-rent kami pero hindi na kami masyadong naghahagilap (pambayad) kung baga dati stress na stress ka. Ngayon when you surrender everything sa Diyos, tanggap mo ang sitwasyon.

“Hindi na ako ngarag sa sitwasyon kasi wala na akong malaking babayaran kasi nangungupahan ka na lang not like sa bahay na malaki, naka-loan ‘yun, eh. Malaki talagang halaga (monthly amortization),” kuwento ni Bearwin.

Kumusta naman ang mag-iina niya na dati ay may bahay na malaki pero ngayon umuupa na lang sila, ano ang nararamdaman ng aktor?

“Siyempre, lalo kami ni Lara (asawa niya), dream house namin ‘yun.  Nu’ng ginagawa ‘yun kasama ko mga anak ko designing the house lahat ‘yun. Siyempre masakit ‘yun,” sagot ni Bearwin.

Ang malaking pasalamat ng aktor ay okay silang mag-asawa, nagmamahalan sila kasama ang kanilang mga anak kahit nawalan sila ng malaking bahay.

Dito tuluyan nang umiyak si Bearwin, “Siguro kung hindi kami kumapit sa Diyos malamang hiwalay na kaming mag-asawa, wala na patay na ako hindi ko na kinaya. Alam mo ‘yung laos ka na tapos pinag-uusapan ka pa? At sa awa ng Diyos kapag lumapit ka, hindi kalungkutan ang ibibigay niya sa ‘yo.”

May artistang puring-puri ni Bearwin na hinding-hindi niya makakalimutan sa panahon ng pandemya na ramdam na ramdam niya.

“Si Bayani (Agbayani), si Bayani kahit kailan hindi ako hinindian, kahit kailan hindi ako hinindian,” umiiyak na sabi niya.

“Hindi ako humingi ng pera diyan, ha, hindi rin naman nagbigay ng pera, it’s not about the money. But everytime I ask Bayani, ‘pare, patulong naman ako video greeting, kaagad ‘yan, pare may produkto akong binebenta, pa-endorse naman, pare puwede ba akong pumunta diyan, dalhan kita nito (produkto) pa-picture tayo.

“Kahit kailan walang dalawang isip, never akong hinindian ni Bayani.  Meron pang iba (artista) pero si Bayani ang consisteng na tumutulong sa akin,” kuwento ni Bearwin.

Samantala, puwedeng kontakin si Bearwin bilang distributor ng Corny Doggy. May mga gusto nang mag-franchise pero pinag-aaralan pa raw ito ng aktor.

Read more...