Chad Vidanes maraming natutunan kay Cathy Garcia: Feeling ko calling ko talaga ang pagdidirek

TATLONG tulog na lang at huhusgahan na si Direk Chad Vidanes sa kanyang debut TV drama series na “He’s into Her” mula sa Wattpad novel ni Maxine Lat Calibuso.

Pagbibidahan ito nina Belle Mariano at Donny Pangilinan na mapapanood sa iWantTFC simula sa Mayo 28 at sa Mayo 30 naman sa Kapamilya Channel at A2Z.

Ang batang direktor ay panganay na anak nina ABS-CBN Chief Operating Officer Cory Vidanes at dating “It’s Showtime” director Bobet Vidanes.

Kuwento ni direk Chad sa solo assembly niya kaninang hapon para sa “He’s into Her” ay lumaki siyang nasa loob ng Kapamilya network dahil nga isinasama siya roon ng mga magulang noong bata pa siya.

Pero aniya, wala pa sa isipan niya noon ang tungkol sa filmmaking at sa katunayan ay hindi siya masyadong seryoso noong nasa college siya dahil nakatatlong kurso siya.

“Noong nasa Benilde (College of St. Benilde, De La Salle), I took Media Arts tapos halos lahat ng kaibigan ko nasa film, so tinutulungan ko sila sa mga projects nila hanggang sa nae-enjoy ko na rin.

“So feeling ko ito ang calling ko talaga, tapos I still have one year to graduate, ginawa ko nag-shift ako sa film and luckily some of my subjects naman were credited. So I have two-three years (kinuha) sa filmmaking. ‘Yung minor subjects ko okay naman na,” kuwento ni direk Chad.

Pagka-graduate niya ng kolehiyo ay sa Star Cinema niya kinuha ang internship niya at sa pelikula ni Direk Cathy Garcia Molina siya napunta, ang “Second Chance” nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo.

“From then on, nagpa-mentor na ako kay direk Cathy after fifth (movie) I was her second AD (assistant director),” sambit pa.

Marami-raming pelikula na pala ang nahawakan ni direk Chad maging sa Black Sheep ay kasama rin siya kaya pinagkatiwalaan siya ng Star Cinema sa kanilang mga projects.

At ang “He’s Into Her” ang unang mainstream project niya sa telebisyon at pawang mga bagets o matatawag na Gen Z ang mga bida kaya ang tanong, may pressure ba ito para sa kanya since ang mga naka-work na pala niya ay pawang magagaling na artista ng ABS-CBN.

“I was given to direct a project, that’s already a pressure, tapos extra pressure pa na I have to hone the next generation of superstars.  Not just give justice to the story but to these new artists,” pag-amin ng batang direktor.

Sa tanong namin kung mayroon sa cast na uminit ang ulo niya at nasigawan dahil hindi makuha ang eksenang gusto niya, “Yes, pero hindi naman ako ‘yung ganu’ng klaseng direktor and there are directors like than and I understand because of pressure and the stress that you carry upon.

“Ako, hindi ko rin napipigilan at times (na magalit), it’s not because they’re not doing well kaya ang ginagawa ko, I sit them down and asked them what’s wrong. Sinasabi ko na magkakaibigan tayo, barkada pero pag work-work trabaho na tayo guys,” paliwanag mabuti ng direktor.

At kung bibigyan ng unang mainstream niyang pelikula si direk Chad ay romcom uli ang gusto niya at kung maaari ay sina Donny at Belle pa rin ang nais niyang maging bida.

“Kasi I see the potential of those two kasi I saw them grow. Like si Belle sabi ko, let’s do, ipakita natin sa lahat, let’s prove them wrong (nagsasabi na hindi siya marunong umarte). Then si Donny medyo hilaw pa talaga, sinabihan ko siya one time na, ‘alam kong wala ka pang masyadong hugot pero may depth ka.’

“So, I would choose Donny and Belle para ‘yung growth sabay din kami at least comfortable na kami with each other,” paliwanag pa ni direk Chad.

Read more...