Allan K mas tumindi pa ang faith kay Lord: Ano pa ba ang katatakutan ko, hello?

 

 

BINALIKAN ng TV host-comedian na si Allan K ang araw nang magsimula siyang lumabas sa longest-running noontime show sa bansa na “Eat Bulaga”.

Kuwento ng EB Dabarkads, 26 years na siya sa nasabing programa at hinding-hindi niya makakalimutan kung paano siya na-discover ng kanilang mga bossing sa pangunguna ni Mr. Tony Tuviera.

Ang unang segment daw na ibinigay sa kanya ng production ay ang “Allan Knows Best!” kung saan tumatawag siya ng mga homeviewers para humingi sa kanya ng advice tungkol sa kanilang mga problema sa buhay.

Kuwento ni Allan sa nakaraang episode ng “Tunay Na Buhay”, nagsimula ang kanyang professional singing career nang maging member siya ng banda pagka-graduate ng high school, at nag-perform sa mga bar sa Bacolod.

Lumuwas ang komedyante at TV host patungong Maynila noong 1984 at nagsimula ngang magtrabaho sa mga sing-along bars bilang stand-up comedian at singer.

Ayon kay Allan K, nang dahil daw sa isang entertainment reporter kaya siya nakilala ng mga taga-“Eat Bulaga” na nagtanong sa isang presscon noon ng noontime show.

“Bago sila lumipat ng Channel 7, nag-presscon sila to announce na lilipat na nga sila talaga. Tapos in the course of the presscon may isang reporter na nagtanong na tambay ng The Library (comedy bar), ‘May bago po ba kayong ii-introduce na talent?'”

“Sabi niya, ‘Narinig n’yo na po ba ‘yung Allan K?’ Hindi alam ni Mr. Tuviera ‘yung mga anak niya tambay ng The Library. So ‘yun, that same night after presscon, tinawagan nila ‘yung The Library at nagpunta sila,” kuwento pa ni Allan.

Samantala, sa nasabi ring panayam, sinabi ng Kapuso comedian na mas tumindi pa ang faith niya sa Diyos matapos harapin ang mga pagsubok na dumating sa kanya last year.

Bukod sa pagsasara ng pag-aari niyang mga comedy bar, ang pagkamatay ng kanang mga kapatid, ay tinamaan din siya ng COVID-19.

Natanong siya kung paano niya nalampasan ang lahat ng ito, “Ang faith ko talaga kay Lord. Hindi talaga ‘yun matitibag ng kahit na anong pandemya, kahit na anong natural calamity. ‘Di ba after ng na-COVID ako, parang, ‘Ano pa ba ang katatakutan ko, hello?”

“Napaka-detrimental, napaka-deadly ng dumapo sa akin, binuhay ako ni Lord. What else is there na katatakutan?” pahayag pa niya.

Read more...