MAS matindi ang pressure na nararamdaman ngayon ng mga miyembro ng phenomenal Pinoy pop group na SB19.
Aminado sina Josh, Pablo, Stell, Ken at Justin na mas may concious effort sila ngayon para makapagbigay ng mas maganda at mas dekalidad na musika at performance sa milyun-milyon nilang fans all over the universe.
“Totoo naman po, hindi naman po mawawala ‘yung pressure. Ngayon po na parang mas marami nang tumitingin sa amin na mga tao, mas gusto po naming maglabas ng mga quality content, ng mga quality music,” ang pahayag ni Pablo sa isang online interview.
Katwiran pa ng binata, “Dala-dala rin naman namin ‘yung Pilipinas dito sa ginagawa namin. And kami rin naman po sa sarili namin, ayaw naming maglabas ng puchu-puchu lang na parang, ‘Sige, bahala na. Ok na ‘yan. Puwede na ‘yan.’
“Talaga pong pinagbibigyan namin ng oras. Tapos nag-iisip po kami ng mga idea para mas mapaganda pa ‘yung craft namin,” pahayag pa ng SB19 member.
Gumawa na naman kasi ng history ang grupo matapos ma-nominate sa kategoryang Top Social Artist ng 2021 Billboard Music Awards (BBMAs). Makakalaban nila rito si Ariana Grande at ang mga Korean group na BTS, BLACKPINK at Seventeen.
Samantala, ibinahagi rin ng SB19 ang ilang mga advantage at disadvantage sa pagtatrabaho ngayong may COVID-19 pandemic.
“Siguro po ‘yung communication. Sobrang hirap po ‘yung pagtrabaho. Even sa paggawa nga ng music video, we have to compromise some things like kailangan namin ng back-up dancers, meron lang mga bilang ng tao na puwedeng sumama,’yung mga ganu’ng bagay.
“Pati ‘yung recording medyo mahirap, kailangan magpunta na lang sila sa bahay ko para mag-record. ‘Yung mga ganu’n bagay. Medyo mahirap. Tina-try naming gawan ng paraan para hindi ma-sacrifice ‘yung quality,” pahayag ni Pablo.
Sey naman ni Josh, “Ang masasabi kong biggest advantage namin ‘yung fans namin, e. Super dedicated nila na feeling ko kahit anong pandemic o kahit anong sakuna pa ‘yung mangyayari, kaya nila kami talagang buhatin patungo sa pangarap namin.”
Pagkatapos ng matagumpay na launching ng bago nilang kanta na “Mapa” nagbahagi naman si Justin ng iba pang sorpresa na dapat abangan ng kanilang fans.
“After this ‘Mapa,’ abangan n’yo po ‘yung upcoming album na namin na ire-release really soon. Siyempre po nagpe-prepare din kami for online concert so abangan n’yo po ‘yan.
“Sa album po namin, abangan n’yo po ‘yung mga kanta du’n dahil iba-iba rin ‘yung maririnig n’yong klase ng music du’n. So ayun po. Maraming salamat po,” mensahe pa ni Justin.
Nabanggit naman ni Stell ang naramdamang excitement para sa bago nilang regalo sa mga fans pati na rin sa kanyang mga magulang, “Excited, we’re very happy and at the same time we’re nervous kasi ito nga yung first time na ipe-perform namin ito.
“And actually, excited ako na marinig ito ng parents ko kasi sa totoo lang hindi ko pinaparinig sa kanila yung demo kasi gusto ko marinig nila sa araw na ni-release namin and gusto ko makita reaction nila, kung ano ang mapi-feel nila sa lyrics, sa mismong song. And gusto ko magkakasama kami ‘pag pinakinggan nila ‘yun,” aniya pa.
Pagbabahagi naman ni Ken, talagang inatake siya ng kaba bago ipalabas ang kanilang performance para sa “Mapa.”
“Ako kinakabahan ako kasi first time namin ipe-perform yung bagong na-release namin na kanta which is yung Mapa and I am very excited kung ano magiging resulta ng performance namin ngayon,” sey ng binata sa nasabing online interview.