HINDI magdadalawang-isip si Piolo Pascual na gumawa uli ng drama series kung ang magiging leading lady niya ay si Judy Ann Santos.
Ilang beses na kasing nabanggit ng singer-actor na mas gusto niya ngayong mag-focus sa paggawa ng pelikula bilang aktor at producer at magpapahinga muna sa teleserye.
Bago ibandera ng ABS-CBN ang napiling members ng cast sa Pinoy adaptation ng TV series na “Doctor Foster,” maraming nag-request na sana’y sina Piolo at Juday na lang daw ang magbida rito dahil bagay na bagay daw ang kuwento sa dating magka-loveteam.
Ayon kay Piolo, aware daw siya sa balitang ito at natutuwa siya dahil buhay na buhay pa rin ang fans nila ni Juday until now. At kung sila raw ang napili ng management na magbida sa nasabing project, hindi niya ito tatanggihan.
Pero aniya, bago pa in-announce na sina Jodi Sta. Maria at Zanjoe Marudo ang bibida sa Filipino version ng sikat na serye na unang ipinalabas sa United Kingdom, ay alam na niya ang tungkol dito.
Sa panayam ng Cinema News kay Piolo, nabanggit nito na kung tinanggap ni Juday ang offer at inalok sa kanya ang role bilang asawang nangaliwa, agad din niya itong tatanggapin.
“Kung tinanggap ni Juday, kung gagawin ni Juday, I’ll do it. I’ll do it in a heartbeat. It’d be nice to work with her again,” sey ni Piolo.
Paliwanag pa niya, “I just skip TV because I want to focus on being a probinsyano. My passion has always been the movies. I love films. That’s really my priority. I’m gearing towards doing just movies for now.”
Ngunit handa nga siyang kalimutan ang kanyang mga plano dahil napakalaki raw ng utang na loob na tinatanaw niya kay Juday, at talagang gusto rin niyang magkaroon sila ng reunion project.
“Juday is Juday. I’m always gonna be a fan of Juday. Laki ng utang na loob ko doon. If there’s a chance for us to work again, anytime,” pahayag pa ni Papa P.
Aniya pa sa balik-tambalan sana nila ni Judy Ann, “Could’ve been nice but I’m happy for Jodi and Zanjoe. They are my friends too. And I’m sure kayang kaya nila ‘yon.”
May tatlong proyektong gagawin si Piolo ngayong 2021, bukod pa riyan ang pagpapalabas ng tatlong pelikula na natapos na niyang gawin. Isa na nga riyan ang movie nila ni Alessandra de Rossi at ang pelikula nila ni Jasmine Curtis na idinirek ni Paul Soriano.