Dahil mas mabilis ang online transactions ngayon, naisip ng isang 20-anyos na ina na ialok ang kanyang sanggol sa kanyang social media account.
Nilagyan ng hindi na pinangalanan suspek na P200,000 price tag ang kanyang sariling anak para sa mga interesado sa Tagum City.
Hindi naman siya sineryoso ng mga netizen sa pag-aakalang nagpapansin lang ang suspek, ngunit isang nakabasa sa kanyang post ang naalarma nang sabihin ng ina na papatayin niya ang anak kung walang bibili.
Sinabi ni Police Maj. Anjanette Tirador, deputy chief ng Tagum City Police, nagpasaklolo sa kanila ang concerned netizen sa takot na totohanin ng suspek ang kanyang banta.
Ikinasa ang isang entrapment operation sa pamamagitan nang pagkumbinsi sa suspek na may bibili na ng kanyang anak.
Inaresto ang suspek sa kanyang bahay at kasabay nito ang pagligtas sa kanyang sanggol na ngayon ay nasa pangangalaga na ng local social workers.